25/02/2026
Noong ika-9:05 ng gabi, 40 taon ang nakararaan, naging ganap ang tagumpay ng taumbayan nang kusang nilisan ni Ferdinand Marcos, Sr. ang Palasyo nang dahil sa pagdiin ng mga mamamayan.
Matapos ang apat na araw ng EDSA People Power Revolution, marami ang nagbunyi. Nakapagpalit ng pamahalaan sa paraang sa kalakhang bahagi ay mapayapa. Isinulong ang mga pagbabago sa pamahalaan na lilimita sa kakayahan ng Pangulo at ng mga opisyal na makapagnakaw at makapag-abuso ng kapangyarihan. Ipinanawagan ang pagiging matapat at matino.
Ngunit makalipas ang apat na dekada, anak niya ang kasalukuyang residente ng Palasyo. Nababalot ang bayan sa kaliwa't kanang rebelasyon ng katiwalian. Madalas na naisasantabi ang karapatang pantao.
Ang kaginhawaang ipinaglaban noon ay ipinaglalaban pa rin ngayon.
Nawa magsilbing aral sa kaniya at sa ating lahat ang 1986: taumbayan ang nagluklok, at maaari rin itong magpababa sa puwesto. Ano man ang ating maging pasiya bilang bansa, nawa magabayan tayo ng mga aral ng kasaysayan.
. .
May saysay ang kasaysayan. Ikalat pa natin:
๐ I-like at i-follow ang Project Saysay at Project Vinta
๐ Bisitahin ang www.psaysay.org
๐ค Usap tayo paano pa natin mapapalakas ang public history sa [email protected]