06/09/2026
Editoryal: WALANG LUGAR ANG CYBERBULLYING SA PAARALAN
By: Benedict
Marami sa mga kaso ng bullying ngayon ay nagaganap sa social media. Sa likod ng mga pekeng account at nagtatagong pangalan, may mga taong malayang naninira, nagpapakalat ng maling impormasyon, at yumuyurak sa dignidad ng kanilang kapwa. Matapang sila dahil nakatago ang kanilang pagkakakilanlan, ngunit ang pagtatago sa likod ng isang screen ay hindi kailanman nagbibigay ng karapatang manakit.
Bilang isang komunidad na nagsusulong ng Kristiyanong paghuhubog, walang lugar sa ating paaralan ang ganitong uri ng pang-aapi. Walang sinuman ang may karapatang tapakan ang dignidad ng isang taong nabibiktima ng online bullying. Ang social media ay dapat maging daan ng mabuting komunikasyon at pagkakaisa, hindi kasangkapan upang manira, manghamak, at maghasik ng kasinungalingan.
Mahalagang mapigilan agad ang mga nagpapakalat ng maling akusasyon at disinformation sa social media, lalo na kung ang layunin ay sirain ang reputasyon ng kapwa. Ang isang maling post ay maaaring mabilis na kumalat, ngunit ang pinsalang dulot nito ay maaaring manatili nang matagal. Hindi lamang emosyonal na kalagayan ng biktima ang maaaring maapektuhan; maaari rin nitong maimpluwensiyahan ang kaniyang pakikisalamuha, pag-aaral, at kakayahang maging produktibong bahagi ng komunidad.
Hindi rin dapat isipin ng mga gumagawa nito na ligtas sila dahil gumagamit sila ng pekeng pangalan o account. Ang paggamit ng social media upang sadyang manira at magpakalat ng mapanirang impormasyon ay maaaring magkaroon ng legal na pananagutan. Sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, ang ilang mapanirang pahayag na inilalathala online ay maaaring pumasok sa cyber libel, depende sa mga partikular na pangyayari at sa mga rekisito ng batas.
Kaya naman, maigting na inaanyayahan ng ating komunidad, lalo na ang mga mag-aaral, na patuloy na labanan ang ganitong uri ng kasamaan. Bilang mga Kristiyano, dapat nating alalahanin ang paalala ng ating Panginoong Hesus na mananagot ang bawat isa sa mga salitang kaniyang binibitawan. Ang prinsipyong ito ay hindi lamang para sa mga salitang sinasabi nang harapan kundi dapat ding isabuhay sa mga pahayag na ginagawa natin sa social media. Ang isang post, komento, o mensahe ay may pananagutan.
Patuloy ding ipinapaalala ng mga g**o at administrasyon ng St. Raphaela Mary School na labanan ang anumang uri ng mapanirang mensahe sa social media at gamitin ang mga digital platform upang magbigay ng inspirasyon, kabutihan, at makabuluhang impormasyon sa lahat.
Upang maisagawa ito, nananawagan ang paaralan sa lahat na huwag palawakin ang maling impormasyon. Iwasang i-repost, i-share, o ipasa ang mga mensaheng hindi pa nabeberipika. Huwag agad maniwala sa mga ganitong post, lalo na kung hindi kapani-paniwala ang pinagmulan o hindi malinaw kung sino ang tunay na may-akda. Sa halip, iulat sa tamang kinauukulan ang anumang impormasyong makatutulong upang matukoy at mapanagot ang mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon.
Higit sa lahat, huwag nating husgahan ang mga taong sangkot dahil lamang sa isang mapanirang impormasyon na walang sapat na patunay at hindi pa nabeberipika. Ang pag-iwas sa pagpapakalat ng maling impormasyon ay isa ring paraan ng pagprotekta sa dignidad ng bawat tao.
Sa ganitong paraan, napuputol natin ang kadena ng paninira. Hindi natin hinahayaan na magtagumpay ang masamang intensiyon ng mga taong gumagamit ng social media upang manakit at manira. Sa halip, ginagawa nating instrumento ang teknolohiya upang maghatid ng katotohanan, magpalaganap ng kabutihan, at maging liwanag sa kapwa.
Sa huli, ang tunay na tapang ay hindi ang kakayahang manira nang hindi nagpapakilala. Ang tunay na tapang ay ang pagkakaroon ng lakas ng loob na gamitin ang social media nang may respeto, pananagutan, katotohanan, at malasakit sa dignidad ng kapwa.
Sa isang paaralang humuhubog ng mga Kristiyanong mamamayan, ang cyberbullying ay hindi dapat palampasin—dapat itong labanan, ituwid, at tuluyang wakasan.
ccto: Editorial cartoon | original work with AI enhancement