New Lesson Plan Format Tagalog Version Tri-Semester Four Sessions LANDSCAPE Download Free LIKE, FOLLOW, SHARE para makadownload ka pa ng mga bunga ng kasipagan ng iba.
SJIHS Filipino 8- Maam V
Ang SJNHS filipino 8 page ay ginawa para sa mga mag-aaral ng SJNHS na nag-aaral ng Filipino 8 A, B, H, I, at J
17/04/2026
New Lesson Plan Format Tagalog Version Tri-Semester Four Sessions PORTRAIT Download Free LIKE, FOLLOW, SHARE para makadownload ka pa ng mga bunga ng kasipagan ng iba.
03/03/2026
i-claim at i-share itong "estudyanteng walang tigil na nag-aaral" at sabayan mo na rin ng rebyu at syempre prayers...
05/02/2026
Apat na himagsik sa Florante at Laura ayon kay Lope K. Santos:
1. Himagsik Laban sa Malupit na Pamahalaan-
Ipinapakita ang pagtutol sa mapaniil at tiwaling pamumuno na nagdudulot ng paghihirap sa mamamayan.
2. Himagsik Laban sa Hidwaang Pananampalataya-
Ipinahahayag na ang kabutihan ay hindi nasusukat sa relihiyon, kundi sa pagkatao.
3. Himagsik Laban sa Maling Kaugalian-
Tinuligsa ang masasamang gawi tulad ng inggit, kasakiman, at pang-aabuso sa kapangyarihan.
4. Himagsik Laban sa Mababang Uri ng Panitikan-
Pinatunayan na kayang magpahayag ng mataas na kaisipan ang panitikang Tagalog.
II. KARAGDAGANG IMPORMASYON TUNGKOL SA FLORANTE AT LAURA
Ang awit at korido ay tinatangkilik pa rin hanggang sa ngayon bilang isang uri ng panitikan na impluwensiya ng mga Espanyol. Nagmula noong panahon ng mga Espanyol. Nang ang Pilipinas ay sakupin ng mga dayuhang Kastila, nagsilbing daan ang panitikan upang madali at mabisang maipakalat, maipasa, o maipalaganap ang mensahe, at upang maipakita sa mga tao, partikular na sa mga katutubo, ang konteksto ng Kristyanismo. Ngunit para sila ay maaliw at masiyahan, nabuo o naimbento ang isang anyong panitikan na tinawag na awit at korido. Noong gitnang panahon lumaganap ang awit at korido sa Europa bilang isang uri ng romansang panitikan. Nakarating ang mga ganitong uri ng panitikan noong 1610 mula Mexico sa pamamagitan ng kalakalang Galleon. Ginamit itong instrumento ng mga misyunerong prayle sa Pilipinas bilang kagamitan upang maipalaganap ang relihiyong Katolisismo sa mga katutubo. Ito ay nagsilbing libangan ng mga katutubo bukod sa pagtuturo ng mga gintong aral sa buhay at pananampalataya.
Isa sa layunin ng mga Espanyol sa kanilang ekspidisyon sa pamumuno ni Fedinand Magellan ay palaganapin ang relihiyon at nakarating sa tinog-silangan ng Samar noong Marso 16, 1521. Sa ekspedisyon ni Miguel Lopez de Legaspi noong 1565 ay nagtayo ng permanenteng paninirahan ang mga Espanyol sa Cebu hanggang itinatag pahilaga hanggang maabot ng mga kolonyalista ang Look ng Maynila. Dito nagsimula ang kolonisasyon ng Espanya na nagtagal ng tatlong siglo.
Sa matagal na pananakop na ito, nadagdagan ng uri ng panitikan sa Pilipinas na ang karamihan sa mga ito ay patungkol sa pananampalataya at relihiyon. Isa na rito ay ang awit at korido na isang uri ng panitikang lumaganap sa Europa noong Gitnang Panahon na pumapaksa pag-ibig at pakikipagsapalaran. Ang ganitong uri ng panitikan ay sinasabing nagmula sa Mexico sa pamamagitan ng kalakalang Galleon upang gamitin sa pagpapalaganap ng relihiyon sa Pilipinas. Tinangkilik ng mga katutubo ang ganitong panitikan dahil sa mga tauhan, tagpuan at mga aral sa buhay at pananampalatayang nakapaloob dito bukod sa pagiging uri ng libangan upang makalimot sa hirap ng buhay na dinaranas sa kamay ng mga malupit na Espanyol.
Mahigpit ang sensura noong panahong iyon dahil ayaw ng mga Espanyol na maglathata ng babasahin o mapalabas ng dulang tumutuligsa sa Espanya. Gayunman, hindi napigil ng mga pamahalaan ang mga Pilipinong maglathala ng mga babasahing may paghihimagsik sa kanila. Isa na rito ang Florante at Laura na may orihinal na pamagat na “Pinagdaanang Buhay ni Florante at Laura sa Kahariang Albanya: Kinuha sa ladling cuadro historico o pinyurang nagsasabi sa mga nangyari nang unang panahon sa imperyo ng Gresya, at tinula ng isang matuwain sa bersong Tagalog. Masasabing hindi lamang ito isang ordinaryong awit, bagkus may malalim na kahulugan at konteksto sa kasaysayan ng panahon. Ito ay awit ni Francisco Balagtas noong 1838 ay hango sa kasaysayan ng pag-ibig niya kay Maria Asuncion Rivera.
Batay sa pag-aaral ng awit na ito, ayon kay Isagani Cruz at Solidad Reyes sa kanilang aklat na, “Ang Panitikan” “Hindi kaagad nagbago ang ating panitikan dahil sa pagsipot sa ating bayan ng mga Kastilang may dala ng krus at espada...Subalit malinaw ang pagpasok ng oryentasyong relihiyoso sa panahong ito.” Walang katiyakan kung saan o kailan isinulat ang awit na Florante at Laura. May ilang dalub-aral ang nagsasabing isinulat ni Balagtas ito sa bilangguan sa Pandacan sa pagitan ng 1835 at 1838 nang ipakulong ni Mariano Kapule. May ilang haka-haka na maaaring naisulat ang awit sa bilangguan sa Balanga at Maynila sa pagitan ng 1856-1860. Nang ipapiit siya ng katulong na babae ni Alferes Lucas ng Bataan sa sumbong ng pamumutol ng buhok. 800 – 1900 – marami-rami na rin ang naglimbag ng Florante at Laura ni Balagtas sa panahong ito na isa sa basehan ng kasikatan ng anumang aklat ng panahong ito. Ang 1861 na kopya ay napasakamay ni Carlos Ronquillo, isang mananalaysay.
Ayon sa kanya ang limbag ay inimprenta sa papel de China ng y Giraudier. Binanggit din niya si T.H. Pardo de Tavera, isang mananalaysay na nag-aral ng kasaysayan ng Pilipinas, ay nag-iingat naman ng edisyon 1870 na nalimbag ng Imprenta de B. Gonzalez Mora sa Binondo. Maraming lumabas na mga edisyon ng Florante at Laura na nasa wikang Tagalog at Ingles, subalit natupok ang mga ito noong 1945, nang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sapagkat kabilang nga ito sa mga awit at korido noong ika-19 dantaon, nalimbag lamang ang mga kopya ng akda ni Baltazar sa mga mumurahing klase ng papel (papel dearroz ayon kay Epifanio de los Santos) na yari sa palay na ipinagbibili tuwing may misa at mga kapistahan sa halagang 10 sentimo bawat isa.
Noong 1849, ipinairal ni Gobernador-Heneral Narciso Clavería y Zaldúa ang Decreto del Apellido, na nagtatag ng Catálogo Alfabético de Apellidos o talaan ng mga apelyido. Layunin nito na ayusin at gawing sistematiko ang paggamit ng apelyido ng mga Pilipino upang maiwasan ang kalituhan sa talaan ng buwis, sensus, at mga dokumentong panrelihiyon at sibil. Dahil sa kautusang ito, maraming Pilipino ang gumamit ng iisang apelyido na napili mula sa opisyal na talaan na ipinamahagi sa bawat bayan. Dahil dito ginamit ni Francisco Balagtas ang pangalang Baltazar. Ito rin ay alinsunod sa kaugalian ng mga manunulat noon na gumamit ng pangalang-panulat o sagisag panulat upang maging katanggap-tanggap ang kanilang mga akda sa mga kolonyal na awtoridad. Dahil dito, mas nakilala siya sa kasaysayan ng panitikan bilang Francisco Balagtas Baltazar.
GAWAIN 2 Panuto: Basahin ang lektyur upang masagutan ang mga sumusunod na katanungan hinggil sa, “KARAGDAGANG IMPORMASYON TUNGKOL SA FLORANTE AT LAURA.” Isulat ang mga katanungan at kasagutan sa inyong mga kuwaderno. (Cursive)
1. Ano ang dalawang anyo ng panitikan na binanggit sa teksto na impluwensiya ng mga Espanyol at tinatangkilik pa rin hanggang sa kasalukuyan?
2. Ano ang naging pangunahing layunin ng mga Espanyol sa paggamit ng panitikan sa Pilipinas?
3. Paano nakarating sa Pilipinas ang awit at korido noong unang panahon?
4. Bukod sa pagpapalaganap ng relihiyon, ano ang naging papel ng awit at korido sa buhay ng mga katutubo?
5. Bakit lubusang tinangkilik ng mga katutubo ang panitikang awit at korido?
6. Ano ang orihinal na pamagat ng Florante at Laura?
7. Anong uri ng panitikan ang Florante at Laura, at bakit ito hindi itinuturing na pangkaraniwan?
8. Ano ang mga haka-haka tungkol sa lugar at panahon kung kailan isinulat ang Florante at Laura?
9. Bakit kakaunti na lamang ang mga nalalabing kopya ng Florante at Laura mula sa ika-19 na dantaon ayon sa teksto?
10. Bakit naging “Baltazar” ang apelyido ni Francisco Balagtas?
I. KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG FLORANTE AT LAURA
Ang Florante at Laura ay isinulat ni Francisco "Balagtas" Baltazar noong 1838, panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa bansa. Sa panahong ito, mahigpit ang ipinatupad na sensura kaya't ipinagbawal ang mga babasahin at palabas na tumutuligsa sa pagmamalabis at kalupitan ng mga Espanyol. Dahil sa pagkontrol ng mga Espanyol, ang mga aklat na nalimbag sa panahong ito ay karaniwang patungkol sa relihiyon o di kaya'y sa paglalaban ng mga Moro at Kristiyanong tinatawag ding komedya o moro-moro, gayundin ng mga diksiyonaryo at aklat panggramatika.
Sa kabila ng mahigpit na sensura ng mga Espanyol ay naging matagumpay si Balagtas na mailusot ang kanyang awit. Relihiyon at paglalaban ng mga Moro at Kristiyano kasi ang temang ginamit niya rito bagama't naiugnay niya ito sa pag-iibigan nina Florante at Laura. Naitago niya sa pamamagitan ng paggamit ng alegorya ang mensahe ng pagtuligsa at pagtutol sa kalupitan at pagmamalabis ng mga Espanyol. Gumamit din siya ng simbolismong kakikitaan ng pailalim na diwa ng nasyonalismo. Ang mga tauhan at mga pangyayaring nagdulot ng kaawa-awang kalagayan ng kaharian ng Albanya ay kasasalaminan ng mga naganap na kaliluan, kalupitan, at kawalang katarungan sa Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol. Masasalamin din sa akda ang tinutukoy ni Lope K. Santos na apat na himagsik na naghari sa puso at isipan ni Balagtas: (1) Ang himagsik laban sa malupit na pamahalaan, (2) ang himagsik laban sa hidwaang pananampalataya (3) ang himagsik laban sa mga maling kaugalian, at (4) ang himagsik laban sa mababang uri ng panitikan.
Ang Florante at Laura ay itinuturing na isang obra maestra ng panitikang Pilipino at sinasabing nagbukas ng landas para sa panulaang Tagalog noong ika-19 na dantaon. Isinulat niya kasi ang kanyang akda sa wikang Tagalog sa panahong ang karamihan sa mga Pilipinong manunulat ay nagsisisulat sa wikang Espanyol. Ang awit ay inialay ni Balagtas kay "Selya" o Maria Asuncion Rivera, ang babaeng minahal niya nang labis at pinagmulan ng kanyang pinakamalaking kabiguan. Sinasabing isinulat niya ito sa loob ng selda kung saan siya nakulong dahil sa maling paratang na pakana ng mayamang karibal na si Nanong Kapule. Ang malabis na sakit, kabiguan, kaapihan, himagsik, at kawalang katarungang naranasan ni Kiko sa lipunang kanyang ginagalawan ay siyang nagtulak sa kanya upang likhain ang walang kamatayang Florante at Laura.
Ang awit ay nagsilbing gabay at nagturo sa mga Pilipino ng maraming bagay. Ito ay naglalaman ng mahahalagang aral sa buhay tulad ng wastong pagpapalaki sa anak, pagiging mabuting magulang, pagmamahal at pagmamalasakit sa bayan, pag-iingat laban sa mga taong mapagpanggap o mapagkunwari at makasarili, gayundin ang pagpapaalala sa madla na maging maingat sa pagpili ng pinuno sapagkat napakalaki ng panganib na dulot sa bayan ng pinunong sakim at mapaghangad sa yaman.
Ipinakita rin sa akda ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa maging doon sa may magkakaibang relihiyon tulad ng mga Muslim at Kristiyano. Sa panahong ang kababaihan ay mailalarawang mahinhin, hindi makabasag pinggan, at mahina, binigyang-diin sa akda ang taglay na lakas ng kababaihan sa katauhan ni Flerida, isang babaeng Muslim. Sa halip na maging sunod- sunuran lang sa makapangyarihang kalalakihan sa kanyang paligid tulad ng nakagawian ng kababaihan noon, pinili niyang tumakas mula sa mapaniil na Sultan at harapin nang mag-isa ang mga panganib sa labas ng palasyo at mga kagubatan upang hanapin ang kanyang napawalay na kasintahan. Siya rin ang pumutol sa kasamaan ng buhong na si Adolfo sa pamamagitan ng kanyang palaso. Ito'y mga katangiang taliwas sa mga katangiang madalas gamitin sa paglalarawan sa kababaihan lalo na noon. Sa halip na siya ang hinanap at iniligtas, siya ang naghanap at nakapagligtas pa ng buhay ng kapwa niya babae.
Ang akda ay gumabay hindi lamang sa mga pangkaraniwang tao kundi gayundin sa mga bayaning nagmulat sa diwang makabayan ng mga Pilipino. Sinasabing si Dr. Jose Rizal ay nagdala ng kopya ng Florante at Laura habang siya'y naglalakbay sa Europa at naging inspirasyon niya sa pagsulat ng Noli Me Tangere. Sinasabi ring maging si Apolinario Mabini ay sumipi sa pamamagitan ng sarili niyang sulat-kamay ng kopya ng awit habang siya ay nasa Guam noong 1901. Bagama't napakatagal nang panahon mula nang isulat ni Balagtas ang awit ay hindi mapasusubaliang ang mga aral na taglay nitong gumabay sa ating mga ninuno at mga bayani ay nananatiling makabuluhan, angkop, at makagagabay pa rin sa mga Pilipino hanggang sa kasalukuyang panahon.
GAWAIN 1 Panuto: Basahin ang lektyur upang masagutan ang mga sumusunod na katanungan hinggil sa, “Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura.” Isulat ang mga katanungan at kasagutan sa inyong mga kuwaderno. (Cursive)
1. Sa anong taon at sa ilalim ng anong kalagayang pampulitika isinulat ni Francisco Balagtas ang Florante at Laura?
2. Bakit mahigpit ang sensura ng mga Espanyol sa mga babasahin at palabas noong panahong naisulat ang Florante at Laura?
3. Anu-ano ang karaniwang paksa ng mga aklat na nalilimbag noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol, at paano ito nakaapekto sa panitikan?
4. Paano nagawang mailusot ni Balagtas ang kanyang akda sa kabila ng mahigpit na sensura ng mga Espanyol?
5. Ano ang papel ng alegorya at simbolismo sa Florante at Laura ayon sa lektyur, at ano ang tinatagong mensaheng nais iparating ng may-akda?
6. Paano iniuugnay ang mga tauhan at pangyayari sa kaharian ng Albanya sa kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol?
7. Ano- ano ang apat na himagsik na binanggit ni Lope K. Santos na masasalamin sa Florante at Laura, at laban saan ang bawat isa?
8. Bakit itinuturing na obra maestra ng panitikang Pilipino ang Florante at Laura at paano ito nakaambag sa pag-unlad ng panulaang Tagalog?
9. Sino si “Selya” sa buhay ni Balagtas, at paano nakaapekto ang kanyang personal na karanasan sa pagkakalikha ng Florante at Laura?
10. Paano inilalarawan sa akda ang lakas ng kababaihan sa katauhan ni Flerida, at bakit taliwas ito sa karaniwang pagtingin sa kababaihan noong panahong iyon?
10/01/2026
LUPANG TINUBUAN
Ni Narciso Reyes
Ang tren ay tumulak sa gitna ng Sali-salimuot na mga ingay. Sigawan ang mga batang nagtitinda ng mga babasahin, Tribune, mama, Tribune, Taliba? Ubos nap o. Liwayway, bagong labas. Alingawngaw ng mga habilinan at pagpapaalam. Huwag mong kalimutan, Sindo, ang baba mo ay sa Sta. Isabel, tingnan mo ang istasyon. Temiong, huwag mong mabitiw-bitiwan ang supot na iyan. Nagkalat ang mga magnanakaw, mag-ingat ka! Kamusta na lang sa Ka Uweng. Sela, sabihin mong sa Mahal Na Araw na kami uuwi. Ang pases mo Kiko, baka mawaglit. Maligayang Paglalakbay, Gng. Enriquez. Ngumiti ka naman, Ben, hindi naman ako magtatagal doon at susulta ako araw-araw. Kamusta na lamang. Paalam. Paalam. Hanggang sa muli.
Ang tren ay nabuhay at dahan-dahang kumilos. H-s-s-s-Tsug. Tsug. Naiwan sa likuran nina Danding ang takipsilim ng Tutuban, at sila’y napagitna sa malayang hangin at sa liwanag ng umaga.
Huminga nang maluwag ang kanyang Tiya Juana at ang sabi, ‘Salamat at tayo’y nakatulak na rin. Kay init doon sa istasyon.’ Ang kanyang Tiyo Goryo ay nakadungaw at nagmamasid sa mga bahay at halaman sa dinaraanan.
Ang galaw ng makina ngayon ay mabilis na’t tugma-tugma, tila pintig ng isang pusong wala nang alinlangan. Napawing tila ulap sa isip ni Danding ang gulo at ingay ng pag-alis, at gumitaw ang pakay ng kanilang pag-uwi sa Malawig. Nagsasalita na naman ang kanyang Tiay Juana, ‘Ang namatay ay ang Tata Inong mo, pamangkin ng iyong Lola Asyang at pinsan namin ng iyong ama. Mabait siyang tao noong siya’y nabubuhay pa.’
Si Danding ay sinagian ng lungkot, bagama’t hindi niya nakita kailanman ang namatay na kamag-anak. Ang pagkabanggit sa kanyang ama ang tumimo sa ilang bahagi ng kanyang puso, at naglapit sa kanyang damdamin ang hindi kilalang patay. Naalala niya na sa Malawig ipinanganak, lumaki at nagkaisip ang kanyang ama. Bumaling siya sa kanyang Tiya Juana at itinanong kung ano ang anyo ng nayong iyon, kung mayaman o dukha, kung liblib o malapit sa bayan. At samantalang nag-aapuhap sa alaala ang kanyang butihing ate ay nabubuo naman sa isip ni Danding ang isang kaaya-ayang larawan, at umusbong sa kanyang puso ang pambihirang pananabik.
Sa unang malas, ang Malawig ay walang pagkakaiba sa alinmang nayon sa Kallagitnaang Luzon. Isang daang makitid, paliku-liko, natatalukapan ng makapal at manilaw-nilaw na alikabok. Mga puno ng kawayan, mangga, niyog at akasya. Mga bahay na pawid, luma na ang karamihan at sunog sa araw ang mga dingding at bubong. Pasalit-salit, isang tindahang hindi mapagwari kung tititigan sa malapit. Doon at ditto, nasisilip sa kabila ang madalang na hanay ng mga bahay. At sa ibabaw ng lahat, nakangiti at puno ng ningning ng umaga, ang bughaw, maaliwalas at walang ulap na langit.
‘Walang maganda rito kundi ang langit,’ ang sabing pabiro ng kutsero ng karitelang sinasakyan nila. Pinaglalabanan ni Danding ang sulak ng pagkabigo sa kanyang dibdib. ’ Hindi po naman,’ ang marahan niyang tugon. Naisaloob niyang sa mga nayong tulad nito isinilang at nagsilaki sina del Pilar, at iba pang bayani ng lahi, at sa gayong mga bukid nagtining ang diwa ng kabayanihan ng himagsikan laban sa mga Kastila. Ang alaalang iyon ay nakaaaliw sa kanya, nagbigay ng bagong anyo sa lahat ng bagay sa paligid-ligid.
Kay rami pala niyang kamag-anak doon. Hindi mapatid-patid ang pagpapakilala ng kanyang Tiya Juana. Sila ang iyong Lolo Tasyo, at sila ang iyong Lola Ines. Ang mga pinsan mong Juan, Seling, Marya at Asyas. Ang iyong Nana Bito. Ang iyong Tata Enteng. Yukod at ngiti rito, halik ng kamay roon. Mga kamag-anak na malapit at malayo, tunay at hawa lamang, matatanda at mga bata. Ang lahat yata ng tao sa bahay, buhat sa mga nangasapuno ng hagdan hanggang sa nagasaloob ay pawang kamag-anak ni Danding. ’Mabuti na lamang at likas na sarat ang ilong ko,’ ang naisaloob niya. ’ Kung hindi ay pulpol na marahil ngayon.’
Sapagkat sila lamang ang nagsipanggaling sa Maynila, sa pagtitipong iyon ay napako kina Danding ang pansin ng lahat. Umugong ang kamustahan. Balana ang nagtanong kay Danding ng kung ano ang lagay ng kanyang amang may sakit at ng kanyang inang siya na lamang ngayong bumubuhay sa kanilang mag-anak. Sinulyapan ng kanyang Tiya Juana si Danding at sinikap na saluhin ang mga tanong. Bantad na siya sa pagkamaramdamin ng kanyang pamangkin, at alam niyang ang kasawian ng ama nito ay talusaling na sugat sa puso nito. Ngunit hindi niya maunahan ng pagtugon sai Danding, na tila magaan ngayon ang bibig at palagay na ang loob sa piling ng mga kamag-anak na ngayon lamang nakilala.
Isang manipis na dingding ng sawali ang tanging nakapagitan sa bulwagan at sa pinakaloob ng bahay, na siyang kinabuburulan ng patay. At sa bukas na lagusan, na napapalamutihan sa magkabilang panig ng mga puting kurtina salo ng pinagbuhol na lasong itim, ay walang tigil ang pagyayaut-yaot dito ng mga taong nakikiramay sa mga namatayan, nagmamasid sa bangkay. Ngunit pagpasok na pagpasok ni Danding ay nag-iba ang kanyang pakiramdam. Napawi sa kanyang pandinig ang alingawngaw sa labas, at dumampi sa kanyang puso ang katahimikan ng kamatayan. Dahan-dahan siyang lumapit sa kabaong, at pinagmasdan ang mukha ng bangkay. Maputi, kaaya-aya ang bukas, isang mukhang nagbabandila sa katapatan at kagitingan. Nabakas ni Danding ang lapad ng noo, sa mga matang hindi ganap ang pagkakapikit, at sa hugis ng ilong, ang bahagyang pagkakahawig sa kanyang ama. Bigla siyang nakaramdam ng awa at lungkot.
’Hindi mo nababati ang Nana Marya mo,’ ang marahang paalala ng kanyang Tita Juana. ’At ang pinsan mong si Bining,’ ang pabulong pang habol. Humalik ng kamay si Danding sa asawa ng yumao, at naupo sa tabi ni Bining, ngunit wala siyang nasabing anuman. Puno ang kanyang puso. Pagkaraan ng ilang sandali ay umabot siya ng isang album sa mesang kalapit, binuksan iyon, at pinagmuni-muni ang mahiwaga at makapangyarihang kaugnayan ng dugo na nagbubuklod ng mga tao.
Pagkakain ng tanghalian ay nanaog si Danding at nagtungo sa bukid sa may likuran ng bahay. Nakaraan na ang panahon ng paggapas, at namandala ana ang ani. Malinis ang hubad na lupa, na naglalatang sa init ng araw. Naupo si Danding sa ilalim ng isang pulutong ng mga punong kawayan, at nagmasid sa paligid-ligid.
Hindi kalayuan, sa gawing kaliwa niya, ay naroon ang kanyang Lolo Tasyo na nagkakayas ng kawayan. Ang talim ng matanda ay tila hiyas na kumikislap sa araw. Tumindig si Danding at lumapit sa matanda. Si Lolo Tasyo ang unang nagsalita.
’Kaparis ka ng iyong ama,’ ang wika niya.
’Bakit po?’
’Balisa ka sa gitna ng karamihan; ibig mo pa ang nag-iisa.’
’May mga sandali pong kailangan ng tao ang mapag-isa.’
’Ganyan din siya kung magsalita, bata pa’y magulang na ang isip.’
’Nasaksihan po ba ninyo ang kanyang kabataan?’
’Nasaksihan!’ Napahalakhak si Lolo Tasyo. ’Ang batang ito! Ako ang nagbaon ng inunan ng ama mo. Ako ang gumawa ng mga una niyang laruan. Naulila agad siya sa ama.’
Tumayong bigla si Lolo Tasyo at itinuro ng itak ang hangganan ng bukid. ’Doon siya malimit magpalipad ng saranggola noong bata pa siyang munti. Sa kabilang pitak siya nahulog sa kalabaw, nang minsang sumama siya sa akin sa pag-araro. Nasaktan siya noon, ang akala ko’y hindi siya titigil sa kaiiyak.’
Lumingon ang matanda at tiningala ang punong mangga sa kanilang likuran. ’Sa itaas ng punong ito pinaakyat ko at pinagtago ang ama mo isang hapon, noong kainitan ng himagsikan, nang mabalitaang may mga huramentadong Kastila na paparito. At doon, sa kinauupuan mo kanina, doon niya isinulat ang kauna-unahan niyang tula-isang maikling papuri sa kagandahan ng isa sa mga dalagang nakilala niya sa bayan. May tagong kapilyuhan ang ama mo.’
Napangiti si Danding. ’Ang dalaga po bang iyan ang naging sanhi ng pagkakaluwas niya sa Maynila?’
’Oo,’ natigilan si Lolo Tasyo na tila nalalasap sa alaala ang mga nangyari. ’Nahuli sila sa tabi ng isang mandala ng palay.’
’Nahuli po?’
’Oo – sa liwanag ng aandap-andap na bituin.’
Marami pang ibig itanong si Danding, ngunit naalala niya ang patay at ang mga tao sa bahay; baka hinahanap na siya. Unti-unting pinutol niya ang pag-uusap nila ni Lolo Tasyo, at iniwan ang matanda sa mga alaala nito.
’Ano ang pinanood mo sa bukid?’ ang usisang biro ng isa sa mga bagong tuklas niyang pinsan.
’Ang araw,’ ang tugon ni Danding, sabay pikit ng mga mata niyang naninibago at hindi halos makakita sa agaw-dilim na tila nakalambong sa bahay.
Ang libingan ay nasa gilid ng simbahan, bagay na nagpapagunita kay Danding ng sumpa ng Diyos kay Adan sa mga anak nito, at ng malungkot at batbat – sakit na pagkakawalay nila, na kamatayan lamang ang lubusang magwawakas. Nagunita niya na sa maliit na bakurang ito ng mga patay na nakahimlay ang alabok ng kanyang ninuno, ang abang labi ng Katipunan, ng mga pag-asa, pag-ibig, lumbay at ligaya, ng palalong mga pangarap at mga pagkabigo na siyang pumana sa kanya ng kanyang angkan. Magaan ang pagyapak ni Danding sa malambot na lupa, at sinikap niyang huwag masaling maging ang pinakamaliit na halaman.
Handa na ang hukay. Wala na ang nalalabi kundi ang paghulog at pagtatabon sa kabaong. Ngunit ng huling sandali ay binuksang muli ang takip sa tapat ng mukha ng bangkay, upang ito’y minsan pang masulyapan ng mga naulila.
Nabasag ang katahimikan at naghari ang impit na mga hikbi at ang mga piping pananangis na higit na makadurog-puso kaysa maingay na pag-iyak.
Pinagtiim ni Danding ang kanyang mga bagang, ngunit sa kabila ng kanyang pagtitimpi ay naramdaman niyang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
Sandaling nag-ulap ang lahat ng kanyang paningin. Nilunod ang kanyang puso ng matinding dalamhati at ng malabong pakiramdam na siya man ay dumaranas ng isang uri ng kamatayan. Balisa at nagsisikap ang dibdib ng damdaming ito, si Danding ay dahan-dahang lumayo at nagpaunang bumalik sa bahay.
Ibig niyang mapag-isa kaya’t nang makita niyang may taong naiwan sa bahay ay patalilis siyang nagtungo sa bukid. Lumulubog na ang araw, at nagsisimula nang lumamig ang hangin. Ang abuhing kamay ng takipsilim ay nakaamba na sa himpapawid. Tumigil si Danding sa tabi ng pulutong ng mga kawayan at pinahid ang pawis sa kanyang mukha at leeg.
Ang kapayapaan ng bukid ay tila kamay ng isang inang humahaplos sa nag-iinit na noo ni Danding. Huminga siya nang malalim, umupo sa lupa, at ipinikit ang mga mata. Dahan-dahang inunat niya ang kanyang mga paa, itinukod sa lupa ang mga palad; tumingala at binayaang maglaro sa ligalig niyang mukha ang banayad na hangin.
Kay lamig at kay bango ng hanging iyon.
Unti-unti siyang pinanawan ng lumbay at agam-agam, at natiwasay ang pagod niyang katawan. Sa kapirasong lupang ito, na siyang sinilangan ng ama niya, ay napanatag ang kanyang puso.
Palakas nang palakas ang hangin, na nagtataglay ng amoy ng lupa at kay bango ng nakamandalang palay! Naalala ni Danding ang mga kuwento ni Lolo Tasyo tungkol sa kanyang ama, at siya’y napangiti nang lihim. Ang pagsasaranggola sa bukid, ang pagkahulog sa kalabaw, dalaga sa bunton ng palay, ang lahat ay nananariwa sa kanyang gunita. Tumawa nang marahan si Danding at pinag-igi pang lalo ang pagkakasalampak niya sa lupa. Tila isang punong kababaon doon ang mga ugat, siya’y nakaramdam ng pagkakaugnay sa bukid na minsa’y nadilig na mga luha at umalingawngaw sa mga halakhak ng kanyang ama.
Sa sandaling iyon ay tila hawak ni Danding sa palad ang lihim ng tinatawag na pag-ibig sa lupang tinubuan. Nauunawaan niya kung bakit ang pagkakatapon sa ibang bansa ay napakabigat na parusa, at kung bakit ang mga nawawalay na anak ay sumasalunga sa bagyo at baha makauwi lamang sa Inang Bayan. Kung bakit walang atubiling naghain ng dugo sina Rizal at Bonifacio.
Sa kabila ng mga magigiting na pangungusap ng pambihirang mga pagmamalasakit, at ng kamatayan ng mga bayani ay nasulyapan ni Danding ang kapirasong lupa, na kinatitirikan ng kanilang mga tahanan, kinabubuhayan ng kanilang mga kamag-anak, kasalo sa kanilang mga lihim at nagtatago na pamana ng kanilang mga angkan. Muli siyang napangiti.
Sa dako ng baybay ay nakarinig siya ng mga tinig, at nauulinigan niyang tinatawag ang kanyang pangalan. Dahan-dahan siyang tumayo. Gabi na, kagat na ang dilim sa lahat ng dako. Walang buwan at may kadiliman ang langit. Ngunit nababanaagan pa niya ang dulo ng mga kawayang nakapanood ng paglikha ng unang tula ng kanyang ama, at ang ilang aandap-andap ng bituing saksi ng unang pag-ibig nito.
14/10/2025
Ang Tunay na Sampung Utos (Ayon kay Apolinario Mabini)
Tinipon ni Michael Charleston "Xiao" Briones Chua
Kinuha mula sa https://xiaochua.net/2013/07/24/xiao-time-23-july-2013-ang-tunay-na-dekalogo-ni-apolinario-mabini/
Mayo ng 1898, nang sinulat ni Apolinario Mabini ang El Verdadero Decalogo—o Ang Tunay na Sampung Utos. Ito ang kanyang habilin sa ating bayan—Una. Ibigin mo ang Diyos at ang iyong puri ng lalo sa lahat ng bagay ...ang paghahangad ng puri ang siya lamang makapipigil sa iyo sa pagbubulaan at makapipigil na huwag kang suminsay sa daan ng katuwiran at laging magtaglay ng kasipagan.
Ikalawa. Sambahin mo ang Dios sa kaparaang lalong minamarapat ng iyong bait at kalooban o konsyensya....
Ikatlo. Dagdagan mong pilit ang talos ng isip at katutubong alam na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng pag-aaral, at magsumakit ka ng ubos lakas sa gawang kinahihiligan ng iyong loob, ...upang matipon sayo ang lalong maraming kagalingan at sa ganitong paraa’y makatulong ka sa ikasusulong ng lahat....
Ikaapat. Ibigin mo ang iyong Inang bayan ikalawa sa Dios at sa iyong puri at higit sa iyong sarili, sa pagka’t siya ang nakaisa-isang Paraisong pinaglagyan sa iyo ng Diyos sa buhay na ito.
Ikalima. Pagpilitan mo ang kalayaan ng iyong bayan bago ang iyong sarili, …sapagkat kung malaya siya at lalaya rin ikaw at ang iyong kamag-anakan.
Ikaanim. Pagpilitan mo ang kasarinlan ngiyong bayan, sa pagka’t ikaw lamang ang tunay na makapagmamasakit sa kanyang ikasusulong atikatatanghal….
Ikapito. Huwag mong kilalanin sa loob ng iyong bayan ang kapangyarihan ng sinomang tao na hindi inilagay ninyong magkakababayan, …ang taong ituro at ihalal ng mga konsyensyang sangkabayanan ang siya lamang makapagtataglay ng tunay na kapangyarihan.
Ikawalo. Ihanap mong pilit ang iyong bayan ng Republica, yaon baga ang lahat na namamahala ay palagay ng bayan, at huwag isipin kailan man ang Monarkiya, ang pagkakaroon baga ng hari; sa pagka’t ang hari ay walang binibigyan ng kamahalan kundi isa o ilang angkan lamang....
Ikasiyam. Ibigin mo ang kapwa mo tao kaparis ng pag-ibig mo sa iyong sarili, sapagka’t siya’y binigyan ng Diyos, at ikaw ay ganon din naman, ng katungkulang tulungan ka at huwag niyang gawin sa iyo ang di niya ibig na gawin mo sa kaniya; nguni’t kapag ang kapwa mo tao ay nagkukulang dito ...at pinagtatangkaang lipulin ang iyong buhay at kalayaan at pag-aari, ay dapat mo namang ibuwal at lipulin siya.
Ikasampu. Palalaluin nang kaunti sa loob mo ang iyong kababayan sa iyong kapwa tao; aariin mong palagi siya na parang isang katoto, kapatid kaya o kasama man lamang, palibhasa’y iisa ang inyong kapalaran, iisa din ang inyong tuwa at kapighatian....
XIAO TIME, 23 July 2013: ANG TUNAY NA DEKALOGO NI APOLINARIO MABINI Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM: 23 July 2013, Tuesday: Makasaysayang …
24/09/2025
LISTAHAN ng mga nakalipas na MDL na gawain sa Filipino 8:
9/15
https://www.facebook.com/share/p/1aCNqMTx27/
9/17
https://www.facebook.com/share/p/18t9BwDjjB/
9/22
https://www.facebook.com/share/p/1A9TXxcgVs/
https://forms.gle/E36gZJNcr4pdV22b8
https://www.facebook.com/share/p/1CVmGbo5Uh/
9/23
https://forms.gle/8nNdbm7X37BDzx9i6
https://www.facebook.com/share/p/17LfVTXkSg/
23/09/2025
PAKSA, LAYON, IDEYA, at MENSAHE
• Ang paksa, layon, ideya, at mensahe ay magkakaugnay at bumubuo sa kabuuan ng akda/ teksto.
• Nagsisimula sa paksa (ano ang usapin), sinusundan ng layon (bakit sinulat), nililinang sa mga ideya (paano tinalakay), at nagtatapos sa mensahe (anong aral ang iniwan).
PAKSA
• Ito ang pinakapangunahing paksa o pinakapinag-uusapan sa akda. Ito ang tema o sentrong ideya na sinusuri ng may-akda.
• Ano ang pinag-uusapan sa teksto?
• Sa “Maling Edukasyon sa Kolehiyo”, ang paksa ay ang pagkakaroon ng maling anyo ng edukasyon sa kolehiyo, kung paano ito nagiging sagabal imbes na tulong sa paghubog ng kabataan.
LAYON
• Ito ang hangarin o layunin ng may-akda kung bakit niya isinulat ang akda.
• Bakit ito isinulat?
• Ang layon ni Jorge Bocobo ay gisingin at paalalahanan ang mga kabataan at mga g**o na suriin kung ang tinatanggap nilang edukasyon ay wasto at nakatutulong sa pag-unlad ng kanilang pag-uugali at pagkamamamayan, at hindi basta pagsasaulo lamang ng leksiyon.
IDEYA
• Ito ang mga kaisipan o pananaw na nililinang ng may-akda hinggil sa paksa. Maaaring marami ito at nakalatag sa loob ng akda.
• Mga kaisipan/argumento hinggil sa paksa
• Ang edukasyon ay hindi lamang para sa talino, kundi para sa pagpapaunlad ng ugali at karakter.
• Kapag mali ang edukasyon, nagbubunga ito ng mga kabataang marunong pero kulang sa asal.
• Kailangang baguhin ang sistema ng pagtuturo upang ito ay maging makabuluhan at makatao.
MENSAHE
• Ito ang pinaka-aral o katuruang gustong iwan ng may-akda sa mambabasa.
• Aral/kaalaman na iiwanan sa mambabasa
• Ang mensahe ng “Maling Edukasyon sa Kolehiyo” ay, “Ang tunay na edukasyon ay dapat humubog hindi lamang ng isipan kundi pati ng puso at pagkatao ng estudyante, kaya’t dapat suriin ng kabataan at mga g**o kung anong uri ng edukasyon ang tinatanggap at ibinibigay nila.”
Basahin ang panuto sa GC.
1. Ano ang pinakapangunahing paksa ng sanaysay na “Filipino Time”?
A. Ang kasipagan ng mga Pilipino
B. Ang pag-ibig ng mga Pilipino sa kultura
C. Ang pag-unlad ng mga tanghalang pangmusika
D. Ang ugaling pagiging huli sa takdang oras ng mga Pilipino
2. Ano ang layunin ni Felipe Padilla de Leon sa pagsulat ng sanaysay na “Filipino Time”?
A. Himukin ang mga Pilipino na baguhin ang nakaugaliang pagiging huli sa oras
B. Aliwin ang mambabasa sa pamamagitan ng nakakatawang kwento
C. Ipakita ang galing ng mga Pilipino sa pagtitipon at palatuntunan
D. Purihin ang pagiging “Filipino time” bilang natatanging kultura
3. Alin sa sumusunod ang hindi kabilang sa mga pangunahing ideya ng “Filipino Time”?
A. Ang “Filipino Time” ay nakapipinsala sa reputasyon ng bansa
B. Ang pagiging huli sa oras ay nakakatawa at dapat ipagmalaki
C. Karaniwang huli ang mga Pilipino sa mga palatuntunan at pagpupulong
D. Ang pagiging laging huli sa oras ay nakababawas sa paggalang at tiwala ng iba
4. Ano ang mensahe o aral na gustong iparating ng may-akda sa “Filipino Time”?
A. Dapat ipagmalaki ang lahat ng nakaugaliang Pilipino
B. Ang pagiging laging huli ay tanda ng pagiging malikhain
C. Huwag pansinin ang mga puna ng banyaga tungkol sa ating ugali
D. Kailangang baguhin at iwasto ang masamang gawi upang umunlad ang bansa
5. Alin ang pinakawastong pagkakasunod-sunod ng mga sangkap ng isang akdang, “Filipino Time”?
A. Layon → Paksa → Mensahe → Ideya
B. Paksa → Ideya → Layon → Mensahe
C. Paksa → Layon → Ideya → Mensahe
D. Mensahe → Ideya → Paksa → Layon
PANUTO: Tapusin ang mga hindi natapos na gawaing MDL kahapon, kung mayroon man. Tiyakin na makapagsusumite sa susunod na sesyon. Sa araw na ito sipiin o kopyahin lamang ang mga mahahalagang impormasyon na ito tungkol sa Paksa, Layon, Ideya, at Mensahe ng babasahing teskto at sagutin ang 5 katanungan. GOOGLE FORM LINK: https://forms.gle/WkKfKjQkUeidTvAcA
Isulat na lamang ang titik at katumbas na kasagutan. Isama ang kasagutan sa isang buong papel kahapon, kung hindi kayang magsagot online. Narito ang lesson para sa araw na ito.
Click here to claim your Sponsored Listing.
Location
Website
Address
Opening Hours
| Monday | 8am - 3pm |
| Tuesday | 8am - 3pm |
| Wednesday | 8am - 3pm |
| Thursday | 8am - 3pm |
| Friday | 8am - 3pm |