College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog

College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog

Share

CEGP Southern Tagalog is an alliance of campus publications in universities and colleges, advocating for a free campus press and democratic society.

Since its foundation, the Guild has remained steadfast in its commitment to uphold freedom of expression, press freedom and students’ democratic rights. This dedication is what continues to unite and consolidate CEGP’s more than 750 member publications from different schools nationwide.

05/05/2026

ALERT I SEXIST, MISOGYNIST REMARKS NAITALA SA SLSU ROTC RAATI, INIREKLAMO NG MGA ESTUDYANTE

Iba't ibang mga estudyante mula sa Southern Luzon State University ang lumapit sa College Editors Guild of the Philippines upang iulat ang isang insidente ng umano’y seksistang pahayag sa isinagawang Regional Annual Administrative and Tactical Inspection (RAATI) ng Reserve Officers' Training Corps (ROTC) sa unibersidad, Mayo 5.

Ayon sa mga ulat ng mga estudyante, sinabi umano ni Col. Virgilio C. Hamos Jr., Chairperson ng RAATI, ang linyang “Pumili kayo ng sponsor at ibibigay ko.” sa kanyang closing remarks sa harap ng mga ROTC officers.

ROTC sponsors ang tawag sa mga estudyante na kadalasan ay babae at nagsisilbing “muse” ng yunit.

Binanggit din ng mga nakasaksi na nagdulot ng pagkadismaya at pagkabahala ang naturang pahayag dahil malinaw nitong ino-objectify ang kababaihan na tila ba maaari silang “ibigay” ayon sa kagustuhan ng mga nasa posisyon ng kapangyarihan.

Iginiit ng mga estudyante na hindi katanggap-tanggap ang ganitong mga pahayag, lalo na kung nagmumula ito sa isang opisyal sa loob ng isang pormal na aktibidad sa paaralan.

Panawagan ngayon ng mga estudyante ang agarang pag-aksyon at panagutin ang mga sangkot sa insidente.

Photos from College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog's post 03/05/2026

Opisyal na Pahayag ng CEGP–Southern Tagalog sa Pagdiriwang ng World Press Freedom Day

Mariing pinagtitibay ng College Editors Guild of the Philippines – Southern Tagalog ang kahalagahan ng malayang pamamahayag bilang pundasyon ng isang demokratikong lipunan ngayong World Press Freedom Day. Sa gitna ng lumalalang krisis sa ekonomiya, pulitika, at kabi-kabilang mga pag-atake sa ating mga karapatang pantao, kinikilala ng alyansa ang pangangailangan para sa isang midyang malaya, mapanuri, at nakaugat sa interes ng mamamayan.

Sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), nasa 242 insidente ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., kung saan direktang isinagawa ng mga ahensya ng gobyerno at state security forces ang 43 porsyento ng mga pag-atake. Pinaslang ang sampung mamamahayag at nananatiling hindi napapanagot ang mga salarin, na lalo lamang nagpapatibay sa umiiral na kultura ng impunity sa bansa. Ipinapakita ng mga datos na ito ang tahasang kabiguan ng estado na protektahan ang hanay ng midya at panagutin ang mga lumalabag sa kanilang karapatan.

Inilalantad ng mga nagdaang pangyayari ang mga panganib na kinakaharap ng hanay ng mga mamamahayag sa kanilang tungkulin, lalo na sa pag-uulat ng mga isyung nakaugat sa mga marginalisadong komunidad at iba pang sektor na matagal nang nakararanas ng paglabag sa karapatang pantao. Isa sa mga ito ang kaso ng , kung saan kabilang si RJ Ledesma, isang community journalist, manunulat, at editor ng Paghimutad Negros, at dating editor-in-chief ng student publication na Spectrum.

Kaugnay nito, nananatiling nakadetine si Frenchie Mae Cumpio, isang 26-anyos na community journalist mula Tacloban, matapos siyang mahatulang guilty sa kasong terrorism financing ng Regional Trial Court (RTC) Branch 45 ng Tacloban City, Leyte noong Enero 22. Itinuturing siya bilang kauna-unahang mamamahayag sa Pilipinas na nahatulan sa naturang kaso at kasalukuyang kinikilala bilang pinakamatagal na nakadetineng mamamahayag sa bansa, na umaabot na sa anim na taon. Bago siya inaresto, nagsilbi si Cumpio bilang executive director ng community-based news outlet na Eastern Vista at malawakang nag-ulat ng mga ulat hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao na kinasasangkutan ng AFP–PNP at iba pang state-linked groups sa Eastern Visayas.

Habang nananatili ring nakadetine si Alex Pacalda, Secretary-General ng CEGP–Southern Tagalog at human rights worker mula sa rehiyon, matapos siyang maaresto noong 2019. Inakusahan siya ng illegal possession of fi****ms ng 201st Infantry Brigade ng Philippine Army sa kabila ng kaniyang mga patunay na nagsasagawa lamang ito ng pag-aaral sa probinsya ng Quezon.

Ipinapakita ng mga kaso ang mga panganib na kaakibat ng pag-uulat sa mga lugar na apektado ng militarisasyon na siyang pinangungunahan ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa ganitong konteksto, binibigyang-diin din nito ang tungkulin ng alternatibong midya na lumubog sa hanay ng masa upang maunawaan at maipahayag ang kanilang mga karanasan at kalagayang panlipunan nang may lalim at pananagutan.

Patuloy rin na nakararanas ng mga katulad na banta ang mga mamamahayag sa iba’t ibang bansa. Mula Palestina hanggang sa iba’t ibang bahagi ng mundo, nahaharap ang mga peryodista sa mga panganib tulad ng pambobomba, arbitraryong pag-aresto, pananakot, at pagpaslang habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pag-uulat ng reyalidad at katotohanan. Sa Pilipinas, naiulat ang paggamit ng mga patakarang pangseguridad, kabilang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang Anti-Terror Law, sa mga kaso ng red-tagging, surveillance, pananakot, at pag-aresto laban sa ilang mamamahayag, publikasyong pangkampus, at alternatibong midya. Nagdudulot ang mga ganitong kalakaran ng direktang epekto sa kalayaan sa pamamahayag at sa ligtas na pagganap ng tungkulin ng midya sa paglalantad at pag-uulat ng mga isyung panlipunan.

Sa Timog Katagalugan, naitala rin ang mga paglabag sa kalayaan ng midyang pangkampus, tulad ng kaso ng Pioneer, ang opisyal na publikasyon ng Palawan State University, na nawalan ng humigit-kumulang ₱2.9 milyon na pondo nang hindi dumaan sa konsultasyon sa kanilang editorial board. Ginamit ang pondo sa mga proyektong labas sa mandato ng publikasyon at inilaan sa iba’t ibang yunit ng unibersidad, na tahasang lumalabag sa prinsipyo ng independensya ng pahayagang pangkampus. Ipinapakita ng kasong ito ang panghihimasok ng mga awtoridad sa institusyon sa pamamahala ng pondo ng publikasyon at ang mas malawak na suliranin ng maling prayoridad sa alokasyon ng badyet, kung saan nalalagay sa alanganin ang karapatan ng mga estudyante at ang kalayaan sa pamamahayag.

Nariyan din ang kaso ng The Lathe ng Batangas State University–Pablo Borbon Campus, na humaharap sa iba’t ibang anyo ng panunupil dahil sa kanilang pag-uulat at pag-cover ng mga kilos-protesta sa loob ng kanilang pamantasan. Tinarget ang publikasyon dahil sa paglalantad ng mga lehitimong hinaing ng mga estudyante, na nagpapakita ng tahasang pagtatangkang patahimikin ang kritikal na midya sa loob ng unibersidad. Ipinapakita ng karanasang ito ang seryosong paglabag sa kalayaan sa pamamahayag at ang sistematikong panghihimasok sa tungkulin ng mga publikasyong pangkampus.

Dagdag pa rito, nananatiling nakabinbin ang Campus Press Freedom Bill, na naglalayong magbigay ng mas malinaw at komprehensibong proteksyon para sa mga pahayagang pangkampus. Ipinapakita ng patuloy na pagkaantala nito ang pangangailangan para sa mas kongkretong mga hakbang na susuporta sa kalayaan ng midyang pangkampus at magpapatibay sa papel ng kabataang mamamahayag sa pampublikong diskurso. Tinutukoy ng mga restriksiyon at pag-atake sa midya ang direktang epekto nito sa demokratikong partisipasyon ng publiko. Hanggang sa kasalukuyan, nararanasan ng mga publikasyong pangkampus ang mga hamon tulad ng administratibong kontrol, red-tagging, sensura, at iba pang anyo ng panghihimasok. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy ng kabataang mamamahayag ang kanilang tungkulin sa pag-uulat at paglilingkod sa mga batayang sektor.

Panghuli, nanawagan ang CEGP–Southern Tagalog sa lahat ng mamamahayag, publikasyong pangkampus, g**o, estudyante, at mamamayan na ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag. Hinimok din ng alyansa ang iwaksi ang iba’t iba anyo ng paglabag sa karapatan ng midya. Gayundin ang agarang pagpasa ng mga patakarang magpapalakas sa proteksyon ng mga mamamahayag at ang pagwawaksi sa mga mekanismong ginagamit laban sa midya at mamamayan.

Mabuhay ang lahat ng mga mamamahayag na nakikibaka!



Photos from College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog's post 01/05/2026

Opisyal na Pahayag ng CEGP-Southern
Tagalog sa ika-123 Pandaigdigan Araw ng Paggawa

Nakikiisa ang College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog sa uring manggagawa sa paggunita ngayong ika-123 taon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Sa mahigit isang siglong kasaysayan ng Mayo Uno, pinatunayan ng uring manggagawa na sila ang pangunahing pwersang lumilikha ng yaman ng lipunan at nangunguna sa paglaban para sa sahod, trabaho, karapatan, at panlipunang katarungan. Sa kasalukuyan, nananatiling mahalaga ang diwa ng Mayo Uno habang lumalalim ang krisis na pinapasan ng masang anakpawis.

Sa Timog Katagalugan at buong bansa, nananatiling malayo ang arawang sahod sa tunay na gastusin ng isang pamilya. Habang tumataas ang presyo ng pagkain, pamasahe, upa sa bahay, kuryente, tubig, at iba pang batayang pangangailangan, nananatiling kapos ang sahod ng manggagawa. Patuloy na ipinagkakait ng estado at malalaking kapitalista ang makabuluhang umento sa sahod habang bilyon-bilyong tubo ang kinakamal ng malalaking korporasyon. Sa halip na pambansang minimum wage at nakabubuhay na sahod, pinananatili ang sistemang rehiyonal sa pasahod na naghahati-hati at nagpapababa sa halaga ng paggawa sa iba’t ibang rehiyon.

Kasabay ng mababang sahod ang malawakang kawalang-katiyakan sa trabaho. Patuloy na umiiral ang kontraktwalisasyon sa iba’t ibang anyo—agency hiring, fixed-term employment, labor-only contracting, at iba pang iskema upang iwasan ng mga kumpanya ang regularisasyon at benepisyo. Maraming manggagawa ang taon-taong nagtatrabaho ngunit nananatiling kontraktwal, walang seguridad sa trabaho, at madaling tanggalin kapag nanindigan para sa karapatan.

Laganap din ang union busting at pagsikil sa karapatang mag-organisa. Sa halip na kilalanin ang karapatan sa unyon, ginagamit ng mga kumpanya at estado ang intimidasyon, surveillance, pagbabanta, suspensyon, biglaang pagtanggal sa trabaho, at gawa-gawang kaso laban sa mga lider-manggagawa. Sa maraming pagkakataon, pinapakialaman pa ng pulis at militar ang mga usaping paggawa upang pahinain ang kolektibong pagkilos ng mga manggagawa. Hindi hiwalay dito ang red-tagging laban sa mga unyonista at organisasyong nagsusulong ng karapatan sa paggawa.

Pinalalala pa ng deregulasyon sa langis, regresibong pagbubuwis, at importasyon ang krisis sa kabuhayan. Bawat taas ng presyo ng langis ay nagtutulak sa pagtaas ng pamasahe, presyo ng pagkain, kuryente, at iba pang serbisyo. Habang pinapasan ito ng mamamayan, patuloy namang pinapaboran ng estado ang malalaking kumpanya sa langis, importers, at iba pang monopolyo. Sa halip na tugunan ang lokal na produksyon at pambansang industriyalisasyon, nananatiling sunod-sunuran ang ekonomiya sa dikta ng dayuhang kapital.

Hindi rin maihihiwalay ang kalagayan ng manggagawa sa lumalalang korapsyon at maling prayoridad sa badyet. Sa halip na ilaan sa serbisyong panlipunan, subsidyo, disenteng trabaho, edukasyon, at kalusugan, inuubos ang pondo sa pork barrel, confidential funds, utang panlabas, at militarisasyon. Habang pinapatawan ng buwis ang mamamayan, pinapasan nila ang kakulangan sa serbisyong dapat tinutugunan ng administrayong Marcos-Duterte.

Bilang alyansa ng mga publikasyong pangkampus, kinikilala nating tungkulin ang ilantad ang mga kalagayang ito. Pananagutan nating ihatid sa sambayanan ang tunay na kalagayan ng uring manggagawa sa pabrika, opisina, eskwelahan, plantasyon, at komunidad. Patuloy rin nating palakasin ang militanteng pamamahayag na nakaugat sa interes ng mamamayan.

Nanawagan tayo sa lahat ng pahayagang pangkampus, mamamahayag, estudyante, g**o, manggagawa, at demokratikong sektor sa Timog Katagalugan at buong bansa na makiisa sa mga pagkilos ngayong Mayo Uno. Suportahan ang laban para sa nakabubuhay na sahod, regular na trabaho, ligtas na lugar-paggawa, karapatang mag-unyon, at demokratikong kalayaan. Tutulan ang kontraktwalisasyon, union busting, militarisasyon, at mga patakarang nagpapalubha sa kahirapan ng mamamayan.

Ipaglaban ang 1200 National Minimum Wage!
Buwagin ang Regional Wage Boards!
Manggagawang kontraktwal, Gawing Regular!
Tutulan ang compressed work week! Tutulan ang forced leave!
Tutulan at labanan ang imperyalistang pandarambong!





Photos from College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog's post 26/04/2026

Pahayag ng CEGP-Southern Tagalog hinggil sa Toboso Massacre at Panawagan Para sa Hustisya

Mariing kinokondena ng College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog ang pamamaslang sa Toboso, Negros Occidental noong ika-19 ng Abril. Sa ilalim ng operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP), napaslang sa masaker ang 19 mga sibilyan, organisador, mananaliksik, mamamahayag, at kabataang naglilingkod sa mamamayan. Isa itong malinaw na paglabag sa karapatang pantao at panibagong patunay ng tahasan at patuloy na paggamit ng dahas ng estado laban sa mga komunidad sa kanayunan.

Nakikiisa ang alyansa sa panawagan para sa hustisya para kina Errol Wendel, RJ Nichole Ledesma, Maureen Keil Santuyo, Alyssa Alano, at sa lahat ng naging biktima ng Toboso massacre. Hindi mabubura ng gawa-gawang naratibo ng militar ang katotohanang sila ay mga sibilyang kumikilos para sa interes ng mamamayan. Naglingkod sila sa hanay ng mga magsasaka, manggagawang bukid, kabataan, at iba pang sektor na matagal nang dumaranas ng pagsasamantala at pang-aabuso.

Pinaslang si RJ Ledesma, dating editor-in-chief ng Spectrum, opisyal na publikasyon ng University of St. La Salle-Bacolod, at kasapi ng Paghimutad-Negros, isang alternatibong midyang nakatuon sa pag-uulat ng mga usaping pangkarapatang pantao at mga kwento ng mamamayan, habang ginagampanan niya ang gawaing pamamahayag at dokumentasyon sa kalagayan ng mga komunidad sa Negros.

Nasawi rin sina Errol Wendel, kawani ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), at Maureen Santuyo, mag-aaral ng UP Open University at peasant youth organizer mula sa National Network of Agrarian Reform Advocates Youth (NNARA Youth), habang nagsasaliksik at nakikipamuhay sa komunidad upang ilantad ang tunay na kalagayan ng mga manggagawang bukid at magsasaka.

Pinatay rin ng operasyong militar na walang pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng sibilyan si Alyssa Alano, kasalukuyang UP Diliman USC Councilor, kasama ng iba pang kabataan na piniling makisalamuha sa mga magsasaka at maralita sa Negros upang mas maiugat ang kanilang pagkilos sa tunay na kalagayan ng mga mamamayan.
Ipinapakita ng mga kasong ito na maging ang mga kabataan, mananaliksik, organisador, at mamamahayag ay hindi ligtas sa pasistang atake ng estado.

Hindi hiwalay ang pangyayaring ito sa matagal nang militarisasyon sa Negros at iba pang bahagi ng bansa. Matagal nang ginagamit ng estado ang pwersang militar upang tiyakin ang paghahari ng malalaking panginoong maylupa, dayuhang korporasyon, at lokal na naghaharing uri sa lupa at likas-yaman. Sa halip na tugunan ang ugat ng armadong tunggalian—kawalan ng lupa, mababang sahod, dislokasyon, kawalan ng disenteng kabuhayan, at malawakang kahirapan—pinipili ng estadong kriminalisahin ang pag-oorganisa at supilin ang ating mga demokratikong karapatan.

Bilang samahan ng mga publikasyong pangkampus, pananagutan nating ilantad ang katotohanan at labanan ang mga kasinungalingan ng estado. Tinututulan natin ang red-tagging, pananakot, harassment, sensura, at iba pang anyo ng panunupil laban sa midya at mamamayan. Maging ang pag-usbong ng mga troll accounts at iba’t ibang mga porma ng cyberattacks sa pamilya ng mga biktma, maging sa mga progresibong grupo. Patuloy nating palalakasin ang hanay ng kabataang mamamahayag na nakikiisa sa mga batayang sektor at nagsisilbi sa sambayanan. Hindi mapatatahimik ng dahas ang panulat na nakaugat sa paglilingkod at pakikibaka para sa karapatan ng mamamayan.

Nanawagan kami sa lahat ng mamamahayag, pahayagang pangkampus, estudyante, g**o, at demokratikong sektor sa Timog Katagalugan at buong bansa na magkaisa at kumilos para sa hustisya. Panagutin ang berdugong AFP at ang rehimeng Marcos Jr. sa Toboso massacre. Bitbit din natin ang panawagan para sa isang agarang, independyente at impartial na imbestigasyon para sa masaker na ito. Buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at wakasan ang militarisasyon sa kanayunan. Ibasura ang Anti-Terror Law of 2020 at iba’t ibang mga patakarang ginagamit sa panunupil at pananakot sa mamamayan. Ipaglaban ang karapatan sa lupa, kabuhayan, malayang pamamahayag, at demokratikong kalayaan.

Militar sa kanayunan, palayasin!
Tunay na reporma sa lupa, Ipaglaban!
Inutang na dugo ng pasistang rehimen, singilin, singilin, pagbayarin!
Uphold International Humanitarian Law!






Photos from College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog's post 20/03/2026

TINGNAN: Kasalukuyang nagsasagawa ng talakayan sa isang protest center sa Crossing Calamba, Laguna hinggil sa matinding pagtaaas ng langis at epekto nito sa araw-araw na buhay ng mga tsuper at mamamayan.

Kaugnay nito, magkakaroon ng kilos-protesta mamaya sa Petron, Crossing Calamba mamayang ika-5 ng hapon.


Photos from College Editors Guild of the Philippines - Laguna's post 08/03/2026

TIGNAN | Sa paggunita ng araw ng mga manggagawang kababaihan, nagkasa ng kilos protesta ang mga kababaihan, kabataan, at mga manggagawa sa pangunguna ng Gabriela-Laguna sa Amar, Balibago, Lungsod ng Santa Rosa.

Kanilang tangan ang kanilang pangunahin na panawagang alisin ang 12% VAT sa mga bilihin, kasabay ang kanilang mga panawagang hustisya at palayain ang mga kababaihan at mga bilanggong pulitikal, kundenahin ang korapsyon ni Marcos at Duterte, alalahanin at ipanawagan ang at kundenahin ang mga paglabag sa karapatang pantao sa mga manggagawa at kabataan.

Nakatakdang dumuksong ang mga delegado ng Laguna sa regional mob na mangyayari sa Bacoor, Cavite.

Mga kuha ni: John Paul Pendioday

Photos from College Editors Guild of the Philippines - Southern Tagalog's post 06/03/2026

LOOK: Progressives from Southern Tagalog held a series of protests in the National Capital Region (NCR) to commemorate the Bloody Sunday Massacre.

On March 7, 2021, nine activists were killed and six were illegally arrested. Five years later, the mobilization condemns that there is still no justice.

“Five years have passed since Bloody Sunday, yet justice remains elusive for the families of the victims. We have knocked on the doors of every government institution, but the justice system continues to move at a snail’s pace while those responsible remain free”, one of those arrested during the Bloody Sunday Massacre Nimfa Lanzanas said.

The groups marked Bloody Sunday’s fifth anniversary as both commemoration and renewed demand for justice, accountability, and an end to repression.


Photos from College Editors Guild of the Philippines - Quezon's post 09/12/2025

ICYMI: Naglunsad ng PROTESTAMBAYAN: Sining para sa Katarungan at Karapatan ang iba’t-ibang sektor at progresibong hanay sa paggunita ng paparating na Internasyunal na Araw para sa Karapatang Pantao (IHRD) sa Lucban, Quezon, Disyembre 7.

Sa kabila ng maulan na panahon, matatag na tumindig ang mga mamamayan ng Quezon upang maisagawa ang aktibidad, patunay na hindi hadlang ang panahon sa paggiit ng karapatan at hustisya.

Bahagi ang akitibidad ng build-up para sa paggunita ng Internasyunal na Araw para sa Karapatang Pantao (IHRD) at naging daluyan ng malikhaing protesta mula sa sining, talumpati, hanggang mga pagtatanghal na nagbigay-tinig sa karanasan at panawagan ng iba’t ibang sektor.

Want your school to be the top-listed School/college in San Narciso?

Click here to claim your Sponsored Listing.

Location

Address

UPLB Perspective (Room 11, 2nd Floor, Student Union Bldg. , University Of The Philippines Los Baños)
San Narciso
4031