22/07/2023
Sa loob ng apat na taon natin bilang magkakamag-aral, masayang masaksihan kung paano humalakhak at mag-ingay ang pinaka mayumi sa atin. Kung paano naging magiliw at maiparamdam ang pagtanggap ng bawat pangkat ng magkakaibigan sa iilang hindi natin masasabing kaulayaw. Nakatutuwa at nakatataba ng puso kung paano natin maipakita ang nagpapa-totoo sa atin bilang kaklase, kaibigan, tao. Sa diwa ng pagiging pamilya ng isang pangkat, maituturing na moog ang pakikisama, pagbabahagian, at pagtutulungan. Hindi pinabayaan ang isa't isa, may ilan mang mas ninais na tumigil upang tugunan ang kasalukuyang pangangailangan labas sa pag-aaral.
Sa wakas, ang hitik na prutas ng pinunla nating dedikasyon, sakripisyo, at pagpupunyagi sa pag-aaral ay naani na natin. Ngayon, haharap na tayo sa mas malawak na aspekto—ang pagtuklas ng ating layunin sa buhay. May iilang tinawag na ng tungkulin, may ibang nangangapa, natatakot. Gayon pa man, mananatili sa ating alaala bilang mag-aaral ang inspirasyon at pangarap na naibahagi natin sa isa't isa. Kaniya-kaniyang oras at panahon ang tagumpay, mahalin ang proseso at pagnilay-nilayan ang mga kahaharaping kabiguan upang matuto at yumabong ang karunungan. Hindi mamadaliin, magiging hinay-hinay. Magtatagumpay tayo. PUHON 🤞🏽🙏🏼.
Tanguhan at pagkaway na lang sa tuwing magkakasalubong, at sa simpleng pagkurba ng mga labi sa ating muling pagkikita, ay tiyak na narito ang pagkagalak ng isang pusong-bata na nagugunita ang mga sandaling magkakasama tayo sa mga panahong kapwa tayo nangangarap.
Kami ang mga magsisipagtapos mula sa Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon na nagpapakadalubhasa sa Filipino. Pagbati sa lahat!