03/05/2026
”ANG UMUUPA SA KABILANG KUWARTO”
Warning: Wag basahin kung mag-isa ka sa apartment.)
Akala ko nakatitipid ako.
Bago lang ako dito sa Manila para magtrabaho. Dahil maliit lang ang sahod, naghanap ako ng murang matutuluyan. Nakita ko 'tong apartment na’to sa Cubao. Napakamura, 3k lang isang buwan, solo room pa, communal nga lang ang CR at kusina.
"Unit 3A" ang nakuha ko. Luma na ang building, amoy semento at lumang kahoy, pero pwede na para sa nagsisimula. Ang tanging ayaw ko lang, sobrang nipis ng pader. Yung pader na kahoy lang na pininturahan ng puti para magmukhang semento.
Rinig na rinig ko ang bawat kilos sa kabilang kwarto, sa "Unit 3B".
Sa unang linggo ko, okay naman. Ramdam ko na may nakatira sa 3B kasi naririnig ko yung pagbukas-sara ng pinto nila tuwing umaga at gabi. Ang nakapagtataka lang, hindi ko pa nakikita yung umuupa dun. Laging timing na paglabas ko ng CR, sarado pinto nila. Pagpasok ko naman, tsaka sila lalabas.
Sabi ko na lang sa sarili ko, "Baka mahiyain lang o baka graveyard shift ang trabaho gaya ko."
Hanggang sa nagsimula ang ikalawang linggo.
Nagsimula ang mga kaloskos. Tuwing madaling araw, bandang 3:00 AM, nagigising ako sa mahinang tunog mula sa 3B. Krrrk... krrrk... krrrk... Tunog ng parang may kinakamot sa pader. Akala ko nung una baka daga lang, pero tuloy-tuloy at parang kuko ng tao ang kumakamot sa kahoy.
Sumunod dun, naging tunog na ng kaladkad. Shhhhk... Shhhhk... Parang may mabigat na hinihila sa sahig. Isipin mo na lang, madaling araw, tahimik ang paligid, tapos yun lang ang maririnig mo.
Sinubukan kong maglagay ng earplugs, pero nanunuot pa rin ang tunog sa pader.
Isang gabi, naging bulong naman. Hindi ko maintindihan ang sinasabi, pero alam kong boses ng babae. Paulit-ulit, mabilis, parang nagdarasal na galit o nagmamakaawa. Doon na ako tuluyang hindi nakatulog.
Kinabukasan, nakita ko si Manang Tess, yung landlady.
"Manang Tess," bati ko. "Pwede ko po bang malaman kung sino yung nasa Unit 3B? Kasi po, medyo maingay sila tuwing madaling araw. Baka po pwedeng paki-usapan?"
Biglang natigilan si Manang Tess sa pagwawalis. Tumingin siya sa akin, seryoso ang mukha, tapos bumuntong-hininga.
"Iho, bago ka lang kasi kaya hindi mo alam," mahina niyang sagot. "Walang umuupa sa Unit 3B."
Nanigas ako sa kinatatayuan ko. "Po? Paanong wala? Eh, rinig na rinig ko po yung kaloskos, yung kaladkad, tsaka yung bulong."
Umiling si Manang Tess. "Huling umupa diyan, anim na buwan na ang nakakalipas. Isang dalaga. Pero... doon siya inatake sa loob. Tatlong araw bago nahanap ang katawan niya. Sementado na ang pinto niyan mula nung nangyari yun, hindi ko pa pinaparentahan ulit."
Hindi ko alam kung paano ako nakabalik sa trabaho nung araw na yun. Ang alam ko lang, takot na takot akong umuwi. Pero wala akong mapupuntahan, at nandoon lahat ng gamit ko.
Pag-uwi ko nung gabing yun, bandang 11:00 PM, diretsong pasok ako sa Unit 3A. Ni-lock ko lahat ng pinto, pati bintana. In-on ko lahat ng ilaw. Kumuha ako ng kutsilyo sa kusina at nilagay ko sa ilalim ng unan ko. Sinubukan kong matulog habang naka-play ang YouTube sa phone ko para lang may maingay.
Nakakatulog na ako nung marinig ko ulit.
Krrrk... krrrk...
Mas malakas ngayon. Hindi lang basta sa pader. Parang nasa loob na ng kwarto ko.
Dahan-dahan kong binuksan ang mga mata ko. Ang phone ko, off na pala dahil lowbatt. Ang kwarto ko, madilim na rin. Putol ang kuryente.
Shhhhk... Shhhhk...
Yung kaladkad. Nararamdaman ko na parang nanginginig ang sahig malapit sa paanan ng k**a ko.
Kinuha ko yung kutsilyo sa ilalim ng unan. Nanginig ang k**ay ko. Ginamit ko yung flashlight ng phone ko para ilawan ang paanan ng k**a.
Wala naman. Walang tao.
Bumuntong-hininga ako, inisip ko na baka hallucination ko lang 'to sa sobrang takot.
Hihiga na sana ako ulit nang biglang may marinig akong bulong. Pero hindi sa kabilang pader.
Mula sa mismong ilalim ng k**a ko.
"Nandito na ako sa kwarto mo. Wag kang lilingon."
Boses ng babae. Malamig. Galit.
Hindi ko na kinaya. Iniwan ko lahat ng gamit ko, pati tsinelas ko, hindi ko na nakuha. Tumakbo ako palabas ng apartment building, dire-diretso, hindi lumingon. Natulog ako sa 24-hour convenience store nung gabing yun.
Kinabukasan, bumalik ako kasama ang kapatid ko para kunin ang mga gamit ko at mag-check out. Sinamahan kami ni Manang Tess.
Habang nag-eempake ako, hindi ko mapigilang tumingin sa pader na kahoy na naghihiwalay sa Unit 3A at 3B.
Doon ko napansin. May maliit na butas sa pader, malapit sa sahig. Isang maliit na siwang na hindi ko napansin nung una.
Inilapit ko ang mata ko para tignan kung ano ang nasa kabila, sa Unit 3B.
Kahit sementado ang pinto, sa siwang na yun, nakita ko.
Madilim. Pero may isang mata. Isang malaki, mapula, at nanlilisik na mata na direktang nakatingin sa akin mula sa kabilang kuwarto.
At nakangiti siya.