30/07/2020
Ang Learner Enrollment and Survey Form (LESF) ay ang pangunahing kagamitan o enrollment tool sa isinagawang remote at dropbox enrolment para sa SY 2020-2021. Ito ay ang mas pinalawig na gamit sa regular enrollment form upang makuha hindi lamang ang basic profile ng learners kundi maging ang mga mahahalagang survey questions para sa mga magulang tungkol sa kanilang kahandaan para sa distance education.
Sa paggamit ng LESF ay nakuha ang mahahalagang impormasyon na magsisilbing basehan ng DepEd para sa implementasyon ng Learning Continuity Plan gaya ng: i) employment status ng mga magulang o guardian, ii) paraan ng pagpunta sa paaralan, iii) bilang ng mag-aaral sa bahay, iv) presensya ng kapamilya o kasama sa bahay na gagabay sa distance learning, v) pagkakaroon ng gadgets o devices, vi) access sa internet, vii) preferred o mas pabor na pamamaraan sa pag-aaral, viii) hamon o suliranin na makaaapekto sa distance learning, at ix) bilang ng mga mag-aaral sa pribadong paaralan na lumipat sa pampublikong paaralan.
Ang mga datos at impormasyon ay ginamit ng bawat regional at schools division office, at mga paaralan sa pagdisenyo ng kanilang sariling learning continuity plan partikular sa pagpili ng ipatutupad na learning modalities. Ang mga datos ay ginamit rin upang tukuyin ang budget requirements para sa LCP lalo na sa paggawa ng learning resources.
Patungkol naman sa gustong learning modality ng mga magulang para sa kanilang mga anak, ipinakita ng LESF data na 8.8 milyon na magulang ang may gusto sa modular, 3.9 milyon para sa blended, 3.8 milyon para sa online, 1.4 milyon para sa Educational TV, 900,000 para sa radyo, at kalahating milyon ang may gusto sa iba pang modalities. Samantala, ipinakita rin ng LESF na may 395,743 na mag-aaral ang lumipat mula pribadong paaralan at SUCs/LUCs patungong pampublikong paaralan.
Kami ay lubos na nagpapasalamat sa mga magulang na lumahok sa nasabing sarbey at nagpakita ng kanilang suporta sa Learning Continuity Plan ng Kagawaran. Suportahan natin ang pagpapatuloy ng mga mag-aaral sa kanilang edukasyon habang pinoprotektahan namin ang kanilang kalusugan at kapakanan.