25/07/2026
Safe Spaces, Strong Voices Lecture para sa Proteksiyon ng mga Mag-aaral, isinagawa Ng JRHIS
Nagsagawa ng programang “Safe Spaces, Strong Voices: Protecting Every Child” Ang Julio R. Hernandez Integrated School (JRHIS) noong Hulyo 17, 2026, mula 2:00 hanggang 4:00 ng hapon sa unang palapag ng New Building, na nilahukan ng mga mag-aaral mula Baitang 7 hanggang 10.
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kamalayan ng mga mag-aaral hinggil sa mahahalagang usapin sa proteksiyon ng mga bata, anti-bullying, Safe Spaces Act, at pag-iwas sa pang-aabuso sa mga bata.
Bilang tagapagsalita, inimbitahan si Mr. Joseph Norman D. Centeno, SWO II, na nagbahagi ng kaniyang kaalaman at karanasan bilang Social Welfare Officer upang gabayan at bigyang-kapangyarihan ang mga mag-aaral na maging mas mulat sa kanilang mga karapatan, responsibilidad, at kaligtasan.
Isinagawa ang lecture bilang bahagi ng patuloy na pangako ng JRHIS na tiyakin ang kaligtasan, kapakanan, at proteksiyon ng bawat mag-aaral, lalo na sa harap ng mga isyung may kaugnayan sa bullying.
Sa pamamagitan ng nasabing programa, hinikayat ang mga mag-aaral na makiisa sa pagbuo ng isang ligtas, magalang, inklusibo, at mapagkalingang kapaligiran sa paaralan kung saan ang bawat bata ay may malayang boses, naririnig, at pinoprotektahan.