28/08/2025
PAGDIRIWANG NG BUWAN NG WIKA SA PANGGULAYAN ELEMENTARY SCHOOL, TAGUMPAY
Naging matagumpay ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025 sa Panggulayan Elementary School, na nagtatampok sa temang "Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa." Pinangunahan ito ng mga mag-aaral na nagpakita ng kanilang talento sa iba't ibang presentasyon.
Nagsimula ang programa sa isang parada at pormal na pagbubukas, kabilang na ang panalangin at pag-awit ng Pambansang Awit. Nagbigay inspirasyon si G. Jojo G. Nitural sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ang kahalagahan ng wika bilang kaluluwa ng pagiging Pilipino.
Ang highlight ng araw ay ang mga pagtatanghal ng bawat baitang. Nagpakita ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 ng kanilang husay sa awit, sayaw, at sabayang pagbigkas. Kabilang dito ang pagtatanghal ng "Mamang Sorbetero," "Ang Pipit," "Piliin Mo ang Pilipinas," at ang makapangyarihang tula na "Ako'y Wika."
Matapos ang mga presentasyon, nagkaroon ng mga paligsahan tulad ng Tagisan sa Pagkulay, Pagsulat ng Sanaysay, Pagsulat ng Tula, at Tahirawan para sa iba't ibang baitang.
Nagtapos ang pagdiriwang sa pagpapasalamat sa lahat ng lumahok. Nagsilbi itong paalala na ang pagmamahal sa wika ay mahalaga sa pagpapahalaga sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.