12/07/2026
BAGONG PATAKARAN SA PAGSUSPINDE NG KLASE, IPINAPATUPAD NG DEPED GAMIT ANG LOCALIZED AT GRANULAR SUSPENSION
Mas binigyang-linaw ngayon ng Department of Education (DepEd) ang mga alituntunin sa pagpapatigil ng klase sa bansa sa pamamagitan ng bagong DepEd Order No. 014, s. 2026 o ang "Guidelines on Learning Continuity in Emergencies."
Ang hakbang na ito ay tugon ng kagawaran upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at g**o habang pinananatili ang edukasyon sa gitna ng mga kalamidad.
Sa ilalim ng patakarang granular suspension, hindi na kailangang dumaan sa malawakang kanselasyon ng pasok sa buong lungsod o bayan kapag sumasapit ang masamang panahon.
Sa halip, maaari nang piliin na ang mga partikular na eskwelahan, antas ng baitang (grade level), o piling silid-aralan lamang na direktang binabaha o nasa panganib ang walang pasok.
Upang maging mabilis ang pagpapasya, ang pinuno ng bawat paaralan o School Head ang direktang makikipag-ugnayan sa Schools Division Superintendent (SDS) at sa lokal na alkalde upang magpasya batay sa aktuwal na kondisyon ng kanilang nasasakupan.
Bukod sa localized na sistemang ito, nakadepende rin ang paggabay sa mga paaralan sa apat na opisyal na antas ng pag-aaral o Learning Continuity Levels batay sa tindi ng ulan at babala ng bagyo mula sa PAGASA.
Ang antas ng Hayo (Continue) ay umiiral kapag maganda ang panahon, kung saan tuloy ang normal na operasyon at ang regular na harapang klase sa mga silid-aralan.
Ipinapatupad naman ang Hinay (Ease-In) kapag may Signal No. 1 o Yellow rainfall warning, kung saan walang pasok ang Kinder habang ang ibang antas ay lilipat muna sa flexible distance learning gamit ang mga modyul o online classes kasabay ng pagbabawas sa academic load ng mga bata.
Para sa antas ng Hinga (Check-In) kapag may Signal No. 2, suspendido na ang pasok mula Kinder hanggang Grade 10, at pinaluluwag ang mga gawain upang magpokus ang mga g**o sa light distance learning at pag-kumusta sa mental health at kaligtasan ng mga bata, habang ang suspensiyon naman sa Yellow warning ay nakadepende sa alkalde.
Ang huling antas ay ang Hinto (Stop) na awtomatikong umiiral kapag umabot sa Signal No. 3, 4, o 5 ang bagyo, o kaya ay may Orange at Red heavy rainfall warning. Sa antas na ito, todo-hinto at suspendido ang lahat ng uri ng pag-aaral kabilang ang in-person man o distance learning, trabaho, at mga programa ng Alternative Learning System (ALS) sa lahat ng antas upang magpokus ang komunidad sa kaligtasan at relief operations.
Binuo ang bagong sistemang ito upang magkaroon ng tamang balanse sa pagitan ng proteksyon ng buhay at ng pagpapatuloy ng pagkatuto.
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala sa klase ng mga estudyanteng nasa ligtas at mataas na lugar, habang mabilis namang nailalayo sa panganib ang mga mag-aaral na nasa delikadong komunidad.
Pinapaalalahanan ang mga magulang at mag-aaral na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso mula sa kanilang sariling paaralan at lokal na pamahalaan upang hindi malito.
Source: Deped Nueva Ecija