29/08/2026
MGA BATANG MANUNULAT SA NAGA, NAGSAMA-SAMA SA DIVISION ENHANCEMENT TRAINING IN CAMPUS JOURNALISM
LUNGSOD NG NAGA — Masayang nilahukan ng mga batang manunulat mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at sekundarya ang ginaganap na Division Enhancement Training in Campus Journalism ngayong araw, Agosto 29, 2026, sa main campus ng Camarines Sur National High School (CSNHS).
Layunin ng nasabing pagsasanay na mas palakasin at palawakin pa ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang larangan ng pahayagang pampaaralan.
Pinangungunahan ang naturang aktibidad ng mga opisyal ng School Paper Adviser Officers mula sa Schools Division Office (SDO) ng Naga, na siyang naglilingkod bilang mga tagapagsanay at tagagabay sa mga dumalong campus journalists.
Inaasahang sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, mas mahahasa ang galing ng mga kabataang mamamahayag sa tamang pagbabalita, pagsulat, at pagtataguyod ng responsableng pamamahayag sa kani-kanilang mga paaralan.