18/09/2025
Pondo para sa edukasyon, hindi sa kurapsyon!
Sielesyuans, bawiin, ipagtanggol at isulong ang unibersal na karapatan sa edukasyon!
Umalingawngaw at umani ng sangkatutak na pagbatikos mula sa kabataang Pilipino ang sumulpot na mga isyu hinggil sa mga maanomalyang Flood Control Projects at ang matinding sistematikong kurapsyon sa mga ito. Sa kabila ng abot P545 bilyong pisong pondo para sa 9,855 flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, nananatiling banta sa kabuhayan, pag-aaral, kalusugan at buhay ng mga Pilipino ang matinding pagbaha sa buong bansa sa mga nagdaang taon.
Saksi ang mamamayang Pilipino sa matinding epekto ng mga pagbaha sa mga sakahan, pagawaan, komunidad, paaralan at mga kalye. Umawas ang matinding pag-ulan sa kita ng mga magsasakang binaha ang mga bukid. Gayundin sa mga manggagawa na dahil sa mataas na tubig ay hindi makapasok sa mga pagawaan. Nilubog ng sunod-sunod na pag-ulan ang mga komunidad at ang kabuhayan ng ating mga kababayan na direktang nakapipigil sa pag-aaral ng mga estudyante.
Hindi natatamasa ng mga mag-aaral ng Central Luzon State University (CLSU) ang dekalidad na edukasyon dahil sa sunod-sunod na suspensyon ng klase. Matapos ito nang malubog sa baha ang mga komunidad na tinitirhan ng mga estudyante sa iba’t ibang munisipalidad sa Nueva Ecija gayundin sa iba’t ibang probinsyang kanilang pinanggalingan.
Sa nagdaang mga linggo, mabilis na lumaganap ang usapin hinggil sa kurapsyon ng mga pulitiko sa pambansa hanggang sa lokal na pamahalaan, mga opisyal ng DPWH at mga kontraktor. Nagsilitawan ang mga kaso ng pagbubulsa mula sa pondo para sa mga proyekto buhat ng ghost projects at insertions sa badyet ng DPWH at mga proyektong flood control.
Ang pinakamasaklap sa isyung ito, tuloy-tuloy na kinakaltasan ang badyet para sa edukasyon habang ang limpak-limpak na pera ng mamamayan ay napakaluwag lamang pala na naibubulsa ng mga korap na pulitiko nang hindi nalalaman ng sambayanan.
Pagnanakaw ng mga korap at tiwaling opisyal ng gobyerno habang nananatiling bansot ang edukasyon sa bansa
Nananatiling komersyalisado, kolonyal at anti-demokratiko ang sistema ng edukasyon. Kahit pa nakasaad na sa ating Konstitusyon na “The State shall assign the highest budgetary priority to education” (Artikulo 14, Seksyon 5, Paragraph 5), mababa pa rin ang kalidad ng natatamasa na edukasyon ng mga kabataang-estudyante. Kaliwat-kanan pa nga ang taunang budget cuts na nararanasan ng State Universities and Colleges (SUCs).
Ayon sa panukalang General Appropriations Act (GAA) ngayong taon, ang pondo para sa mga SUCs ay tinapyasan mula P128 bilyong piso noong nakaraang taon ay patungong P122 bilyon na lamang. Ito ay isang malinaw na atake sa unibersal na karapatan sa edukasyon.
Nakasaad sa National Expenditure Program (NEP) sa taong 2026, kakaltasan ng P42 milyon ang badyet para sa CLSU. Ginawa ito samantalang sisinghap-singhap ang serbisyo at pupugak-pugak ang mga pasilidad sa pamantasan. Nananatiling nag-aagawan sa klasrum ang mga estudyante. Wala pa sa kalahati ng populasyon ng mga mag-aaral ang napagsisilbihan ng mga dormitoryo. Nagkukulang ang mga g**o na nagreresulta ng pagka-overworked nila. Dahil sa mas malaking kakulangan muli ng pondo, mas magmamalupit sa pagnenegosyo ang administrasyon.
Habang sinasakal ang edukasyon sa kakarampot na badyet, malaking alokasyon ang inililipat bilang Miscellaneous Funds (MF) at Confidential and Intelligence Fund (CIFs) nina Pangulong Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Habang kinakaltasan ang pondo sa edukasyon, kumukulimbat ng bilyun-bilyong piso ang mga opisyal ng gobyerno, DPWH at mga kontraktor na walang ibang ginawa kundi kumamal ng limpak-limpak na pera. Ginagatasan ng mga gahamang negosyanteng (negosyante sa konstruksyon at mga negosyante sa pulitika) ito ang buwis na binabayaran natin at ng ating mga magulang.
Tuloy-tuloy rin na nadadagdagan ang sweldo at allowance ng mga AFP at NTF-ELCAC na instrumento ng estado sa panunupil ng mga demokratikong karapatan ng mga mag-aaral.
Magkaisa! Tutulan at labanan ang kurapsyon! Ilaan ang pondo sa edukasyon!
Habang lumulubha ang krisis sa edukasyon, lalong lumiliyab ang galit at pagkadismiya ng mga kabataan-estudyante at mamamayan buhat ng anomalyang mga proyekto. Ang kapalpakan sa edukasyon ay hindi simpleng kapabayaan, ito ay resulta ng sistemang kinokompromiso ang kapakanan ng kabataang Pilipino kapalit ng lalong pagpapayaman ng mga kurakot. Sa ganitong kalagayan, ang mga opisyal ng gobyerno at mga kasosyo nilang mga malalaking negosyante ay may direktang pananagutan at dapat singilin ng nagkakaisang Sielesyuans sa bansot na kalagayan ng edukasyon.
Nananawagan ang panahon na organisadong kumilos ang Sielesyuans para singilin kina Marcos Jr., Sara Duterte, mga opisyal ng pamahalaan, DPWH at mga kontraktor ang ninakaw na pondo ng bayan. Sa halip na ibulsa nila ito, sama-sama nating ipaglaban ang pagsasalpak ng badyet na ito sa paglutas sa matinding krisis sa edukasyon!
Ilaan ang pondo para sa makabansa, siyentipiko at makamasang sistemang pang-edukasyon!
Sielesyuans, bawiin, ipagtanggol at isulong ang unibersal na karapatan sa edukasyon!
Sumama sa kilos-protesta sa Setyembre 22, Lunes!
SIGNATORIES:
Student councils/governments:
College of Business and Accountancy Corporate Student Government (CBA-CSG)
College of Arts and Social Sciences Student Government (CASSSG)
College of Home and Science Kabahay Student Government (CHSI-KSG)
College of Agriculture Student Council (CAGSC)
College of Engineering Student Government (CESG)
University Supreme Student Council (USSC)
College of Education Student Council (CESC)
University Block President Council (UBPC)
Veterinary Student Government of the College of Veterinary Science and Medicine (VSG-CVSM)
College of Science Student Council (COSC)
Psychology Student Council (PSC)
Publications:
The Plowman Publication
The Mechanics
The Speculum
The Cache
The Lens
Organizations:
CLSU Math and Physics Circle
Synergist Circle
CLSU Chemical Society
Kilos CLSU
Blocks:
BSABE 1-1
BSABE 1-2
BSABE 1-3
BSCE 1-IS
BSCE 2-3
BSCE 3-1
BASS 1-2
BASS 3-1
BSABE 1-1
BSPSYCH 3-1
BS PSYCH 4-2
BSTM 3-2
BSA 2-7
BSDC 3-2
MKTG 3-1
BSTFT 2-1
Dormitory:
Mark Nagaño