23/05/2026
Malugod naming ipinababatid ang pagdaraos ng 𝗣𝗿𝗼𝗴𝗿𝗮𝗺𝗮 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝗸𝗶𝗹𝗮𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗡𝗮𝗴𝘀𝗶𝗽𝗮𝗴𝘁𝗮𝗽𝗼𝘀 𝘀𝗮 𝗞𝗼𝗹𝗲𝗵𝗶𝘆𝗼 𝗻𝗴 𝗜𝗻𝗵𝗲𝗻𝘆𝗲𝗿𝗶𝘆𝗮 bilang bahagi ng 𝗜𝗸𝗮-𝟳𝟰 𝗧𝗮𝘂𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗦𝗲𝗿𝗲𝗺𝗼𝗻𝘆𝗮 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝘁𝗮𝘁𝗮𝗽𝗼𝘀 ng Central Luzon State University, na gaganapin sa 𝗠𝗮𝘆𝗼 𝟮𝟱, 𝟮𝟬𝟮𝟲, 𝗮𝗹𝗮𝘀-𝟳:𝟬𝟬 𝗻𝗴 𝘂𝗺𝗮𝗴𝗮 𝘀𝗮 𝗗𝗿. 𝗣𝗲𝗱𝗿𝗼 𝗔. 𝗔𝗯𝗲𝗹𝗹𝗮 𝗚𝗿𝗮𝗱𝘂𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗦𝗶𝘁𝗲.
Sa mundo ng Inhenyeriya, ang bawat dakilang imbensyon, matatag na estruktura, at makabagong teknolohiya ay nagsisimula sa isang simpleng pangarap—isang ideyang pinagyayaman ng kaalaman, hinuhubog ng tiyaga, at pinatitibay ng mga pagsubok. Tulad ng isang binhing itinatanim sa matabang lupa, ito ay inaalagaan hanggang sa ganap na sumibol at mamunga para sa kinabukasan.
Taglay ang temang “𝙉𝙖𝙠𝙖𝙪𝙜𝙖𝙩 𝙨𝙖 𝙋𝙖𝙢𝙖𝙣𝙖: 𝙋𝙞𝙣𝙖𝙜𝙮𝙖𝙢𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙆𝙖𝙧𝙪𝙣𝙪𝙣𝙜𝙖𝙣, 𝙂𝙞𝙣𝙖𝙗𝙖𝙮𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙆𝙖𝙜𝙖𝙣𝙙𝙖𝙝𝙖𝙣𝙜-𝙖𝙨𝙖𝙡, 𝙋𝙞𝙣𝙖𝙥𝙖𝙣𝙙𝙖𝙮 𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙇𝙞𝙙𝙚𝙧 𝙣𝙜 𝙆𝙞𝙣𝙖𝙗𝙪𝙠𝙖𝙨𝙖𝙣”, pararangalan ang mga nagsipagtapos bilang pagkilala sa kanilang sipag, tiyaga, at natatanging husay.
Ngayong taon, panahon na upang anihin at bigyang-pugay ang 385 Gintong Butil ng Kolehiyo ng Inhenyeriya—mga mag-aaral na pinagyaman ng karunungan at pinanday ng panahon. Kabilang dito ang 94 Gintong Butil mula sa Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering, 149 Gintong Butil mula sa Bachelor of Science in Civil Engineering, at 142 Gintong Butil mula sa Bachelor of Science in Information Technology.
Kabilang rin sa mga pararangalan ang 13 Magna Cum Laude, 83 Cum Laude, at 14 with Academic Distinction.
Kasama rin na pararangalan ang mga natatanging nagsipagtapos na nagpakita ng kahusayan sa liderato, pamahayagang pangkampus, kultural, at pampalakasan.
Ang bawat Gintong Butil ay sumasalamin hindi lamang sa tagumpay ng isang indibidwal, kundi maging sa mga sakripisyo ng pamilya, paggabay ng mga g**o, at suporta ng komunidad na naging bahagi ng kanilang paglalakbay tungo sa tagumpay.
Kaisa sa makabuluhang pagdiriwang na ito ang ating Panauhing Pandangal at Tagapagsalita, Hon. Dr. Ireneo C. Agulto, Miyembro ng Professional Regulatory Board of Agricultural and Biosystems Engineering, Professional Regulation Commission (PRC).
Upang maging bahagi rin ang pamilya, mga kaibigan, at ang mas malawak na komunidad sa pagdiriwang na ito, ang programa ay maaari ring mapanood sa pamamagitan ng Live Stream sa opisyal na page ng Kolehiyo ng Inhenyeriya.
Pagbati sa ating mga Gintong Butil ng Kolehiyo ng Inhenyeriya—mga bagong tagapaglikha, tagapagpanday, at mga propesyunal ng kinabukasan!