27/08/2026
๐๐๐๐๐ | ๐๐ฎ๐ฐ๐๐ ๐๐๐ข๐ฐ๐๐ง ๐ฌ๐ ๐๐ ๐จ๐ฌ ๐ง๐ ๐๐๐ค๐ง๐จ๐ฅ๐จ๐ก๐ข๐ฒ๐
๐๐ข: ๐๐จ๐ซ๐ฒ๐ฅ๐ฒ๐ง ๐. ๐๐๐๐ฅ๐ฅ๐จ
Sa kasalukuyang panahon, mabilis ang pag-unlad ng teknolohiya, lalo na ang Artificial Intelligence (AI).Hindi maikakaila ang ginhawang dulot ng AI. Sa pamamagitan nito, mas napapadali ang paghahanap ng impormasyon, paggawa ng mga gawain, pakikipag-ugnayan at pagkatuto ng mga tao. Mula sa mga paaralan, hanggang sa mga tahanan at trabaho, unti-unti nang nagiging bahagi ng pang araw-araw na buhay ang AI. Gayunpaman, habang patuloy na umuunlad ang teknolohiya, isang mahalagang tanong ang dapat nating pag-isipan, nasaan ang wikang Filipino sa mundo ng AI?
Sa dami ng teknolohiyang gumagamit ng wikang Ingles at iba pang banyagang wika, hindi dapat nating hayaang mapag-iwanan ang sariling wika sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Mahalagang bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino ang ating sariling wika. Ito ang ginagamit natin upang maipahayag ang ating mga saloobin, karanasan at pananaw sa buhay. Kaya naman nararapat lamang na magkaroon ito ng sapat na puwang sa mundo ng AI.
Bagama't may ilang AI tools na nakauunawa at nakagagamit ng Filipino, hindi pa rin ito kasinglawak at kasinghusay ng suporta sa wikang Ingles. Dahil dito, isinusulong ng Department of Science and Technology (DOST) ang pananaliksik sa Natural Language Processing upang makatulong na mapaunlad ang kakayahan ng AI na makaangkop sa ibaโt ibang wika sa bansa. Bubuo rin ng Large Language Models (LLMs) para sa mga wikang Filipino sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ng iba pang unibersidad sa Pilipinas upang gawing natural ang paggamit at pagsasalin ng AI sa wikang Filipino.
Sa huli, ang paggamit ng AI ay dapat maging katuwang sa pag-unlad at pagpapahalaga sa sariling mga wika. Hindi sapat na maging makabago lamang ang isang bansa kung ang sariling wika at kultura naman ay napag-iiwanan.
Sa pagpasok ng wikang Filipino sa mundo ng AI, dapat nating tiyakin na ang teknolohiya ay magiging inklusibo, madaling maunawaan, at kapaki-pakinabang para sa lahat.
Kaya't bilang manunudling, sa mundo ng AI, dapat siguraduhin ng pamahalaan na may puwang ang wikang Filipino. Dapat itong maging kasangkapan sa pag-unlad at pagpapalawak ng sariling wika, sapagkat ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang nasusukat sa talino ng teknolohiya, kundi sa kakayahan nitong yakapin ang wika, kultura at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
๐จ | Valerie Estrella