05/04/2026
Sa aming pinakamamahal na Inay,
Sa bawat araw na kami’y inyong ginabayan, unti-unti naming natuklasan na ang pagtuturo ay hindi lamang nasusukat sa talino, kundi higit sa puso. Sa inyong mga salita at pagkalinga, kami’y nahubog hindi lamang bilang mga mag-aaral, kundi bilang mga taong marunong umunawa, magpahalaga, at manindigan.
Maraming salamat po sa inyong walang humpay na pag-aaruga at pagtitiwala sa aming kakayahan, lalo na sa mga panahong kami’y pinanghihinaan ng loob. Kayo ang naging liwanag sa aming mga alinlangan, ang tinig na marahang nagpapaalala na kaya pa naming lumaban. Sa katahimikan ng aming mga pangamba, kayo ang naging yakap na hindi nakikita, ngunit lubos naming nararamdaman.
Hindi man namin ito madalas masambit, ngunit sa bawat aral na inyong ibinahagi, may bahagi ng inyong puso ang nanahan sa amin. Sa inyo namin naranasan ang isang inang handang umunawa, gumabay, at magtiis alang-alang sa aming pag-unlad.
Napakalaking biyaya po para sa amin, bilang Seksiyong Filipino 3A, ang makilala at makasama kayo sa yugtong ito ng aming paglalakbay. Ang inyong kabutihan at malasakit ay mananatiling nakaukit sa aming alaala, patuloy na magsisilbing tanglaw sa aming hinaharap.
Sa inyong kaarawan, taimtim naming ipinapanalangin na ang bawat hiling ng inyong puso ay matupad. Nawa’y patuloy kayong pagkalooban ng lakas, ligaya, at kapayapaan, sapagkat karapat-dapat po kayo sa lahat ng kabutihang maibibigay ng mundo.
Kayo po ang aming huwaran, hindi lamang sa pagtuturo, kundi sa sining ng tunay na pagmamalasakit.
Maligayang kaarawan po, aming Inay. Kayo ay aming mahal.
Taos-pusong bumabati at nagmamahal,
Seksiyong Filipino 3A
04/03/2026
Dalangin ang nagliliyab na husay at hitik sa saysay na pagpapakitang-turo ng Filipino 4A kung saan ang bawat salita’y may bigat at ang bawat paliwanag ay may linaw at bigwas; ang isipa’y matatag, ang diwa’y alpas sa takot at pag-aalinlangan.
04/02/2026
𝐏𝐚𝐦𝐮𝐧𝐮𝐚𝐧 ’𝟐𝟔
Sa pag-ihip ng bagong hangin ng pamumuno, sumibol ang sigaw na “Abante Babae!”. Isang yugto kung saan kababaihan ang nanguna at nagningning, tangan ang 11 sa 12 posisyon, patunay na hindi na sila nasa likod ng entablado kundi nasa gitna ng liwanag. Sa likod nito’y ang pasya ng Pamunuan '25 na ibigay ang baton sa mga bagong mukha, upang ang mga hindi pa nasusubok ay mabinyagan sa apoy ng paglilingkod at matutong maglayag sa alon ng responsibilidad.
Ngayon, sila ang mga sulo sa dilim ng ikalawang semestre. Mga lider na handang magbitbit ng mundo sa balikat, maghasik ng pag-asa, at gawing hagdan ang hamon. Hindi man perpekto ang simula, dala nila ang tapang na sumuong kahit nanginginig.
𝘐𝘵𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘗𝘢𝘮𝘶𝘯𝘶𝘢𝘯 ’26: 𝘣𝘢𝘨𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘥𝘶𝘨𝘰, 𝘴𝘢𝘳𝘪𝘸𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘢𝘳𝘢𝘱, 𝘢𝘵 𝘩𝘢𝘯𝘥𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘸𝘪𝘯𝘨 𝘯𝘪𝘯𝘨𝘢𝘴 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘸𝘢𝘵 𝘢𝘥𝘩𝘪𝘬𝘢.
15/01/2026
𝐓𝐀𝐍𝐆𝐋𝐀𝐖 𝟐.𝟎
Isang malubak, minsang nakakalito, at madalas nakakatawang semestre ang tinahak ng mga mag-aaral ng 3A. Sa gitna ng sabay-sabay na readings, biglaang recitation, at deadlines na parang may sariling buhay, hindi namin binitawan ang aming tanglaw. Hawak-hawak ang tiyaga, talino, at Ginkgo biloba, buong liwanag naming hinarap ang mga daluyong ng akademiko kahit minsan ay nagdidilim na ang paningin.
Ito ang 3A na nadadapa pero hindi sumusuko, napapagod pero pumapasa, at naliligaw man ay marunong bumalik sa tamang pahina. Mga mag-aaral na patunay na ang Filipino ay hindi lang asignatura kundi paninindigan. Sila ang mga ilaw na hindi basta nauupos, at buong pagmamalaking tanglaw ng ikatlong taon.
18/11/2025
Pagbati kay Bb. Myka Caryll Sarcia bilang kabahagi ng matagumpay na CEAS DAYS 2025. Lubos ang aming paghanga sayo.
18/11/2025
Pagbati sa lahat ng kalahok ng 𝐂𝐄𝐀𝐒 𝐃𝐀𝐘𝐒 𝟐𝟎𝟐𝟓! Sa ilalim ng temang “Mythos of CEAS: Divine Minds, Empowered Hearts,” tunay na nagningning ang bawat hakbang, bawat ideya, at bawat tapang ninyong inialay.
Mula sa unang tibok ng sigasig hanggang sa huling pintig ng dedikasyon, ipinamalas ninyo na ang bawat ka-SINAG ay may dugong mandirigma, mapanlikha ang isip at matatag ang puso.
Labis ang paghanga at pasasalamat ng aming seksyon sa inyong walang sawang pagsusumikap at matapang na pagrerepresenta ng ating programa. Higit pa kayo sa mga kalahok, kayo ang buhay na mito na patuloy nating isusulat.
Pagbati, ka-SINAG mula sa Filipino 3A!
26/10/2025
𝐋𝐨𝐧𝐭𝐚𝐲𝐚𝐨, 𝐍𝐚𝐠𝐰𝐚𝐰𝐚𝐠𝐢 𝐧𝐠 𝐏𝐢𝐥𝐚𝐤 𝐧𝐚 𝐌𝐞𝐝𝐚𝐥𝐲𝐚 𝐬𝐚 𝟏𝟒𝐭𝐡 𝐋𝐂𝐔𝐀𝐀 𝐍𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐆𝐚𝐦𝐞𝐬 🥈🏀
Matapos ang puspusang laban at walang patid na dedikasyon, muling nagningning ang pangalan ng ating ka-SINAG na si Princess Nikka Mae Lontayao matapos niyang masungkit ang Silver Medal sa larangan ng Women’s Basketball sa 14th LCUAA National Games na ginanap sa San Jose del Monte, Bulacan.
Hindi man naiuwi ang gintong korona, taglay naman ni Lontayao ang pusong palaban, disiplina, at dangal na tunay na maipagmamalaki ng Filipino 3A at ng buong Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa. Ipinakita niyang ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa medalya, kundi sa tibay ng loob at tapang na inilaan sa bawat laro.
Buong Filipino 3A ay taas-noong bumabati sa iyo, Lontayao! Ipinagmamalaki ka namin sa bawat tira, pasa, at depensang iyong ipinamalas. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang iyong tagumpay sa lahat ng patuloy na lumalaban para sa kanilang pangarap. 💪✨
18/10/2025
𝐋𝐨𝐧𝐭𝐚𝐲𝐚𝐨, 𝐁𝐢𝐛𝐢𝐲𝐚𝐡𝐞 𝐏𝐚𝐭𝐮𝐧𝐠𝐨𝐧𝐠 𝐒𝐉𝐃𝐌 𝐁𝐮𝐥𝐚𝐜𝐚𝐧 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐃𝐞𝐩𝐞𝐧𝐬𝐚𝐡𝐚𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐨𝐫𝐨𝐧𝐚 𝐬𝐚 𝐖𝐨𝐦𝐞𝐧’𝐬 𝐁𝐚𝐬𝐤𝐞𝐭𝐛𝐚𝐥𝐥
Byaheng San Jose del Monte, Bulacan ang ating ka-SINAG na si Princess Nikka Mae Lontayao upang muling ipagtanggol ang korona at kampeonato sa larangan ng Women’s Basketball. Matatandaang noong nakaraang taon ay matagumpay nilang nasungkit ang kampeonato, at ngayon ay buo ang kanilang loob na muling selyuhan ang trono sa kumpetisyon.
Kasama ang buong Filipino 3A, hatid namin ang taos-pusong pagbati at suporta kay Lontayao. Nawa’y iyong ibigay ang pinakamahusay, manalig sa gabing handog ng Diyos, at higit sa lahat, mag-enjoy at magsaya sa bawat segundo ng laban.
Buong seksyon ang humahanga at sumusuporta sa iyong taglay na galing at determinasyon. 💪✨
14/10/2025
MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA INFLUENZA-LIKE ILLNESSES (ILI) AT PAANO MAIIWASAN!
Dahil sa papalit-palit na panahon at pagdagsa ng mga tao sa pampublikong lugar, dumarami ang kaso ng iba't ibang sakit katulad ng Influenza-Like Illnesses (ILI). Narito ang mahahalagang impormasyon mula sa GMA Integrated News at DOH Bicol CHD na dapat mong malaman upang maprotektahan ang sarili at pamilya.
I. ANO ANG INFLUENZA-LIKE ILLNESSES (ILI)?
Ayon sa World Health Organization (WHO), ito ay isang impeksyon na may kasamang lagnat na hindi bababa sa 38 °C at ubo na nagsisimula sa loob ng sampung (10) araw.
Maaari ring maramdaman ang mga sumusunod na sintomas:
Sakit sa Lalamunan (Sore Throat)
Sipon
Sakit ng Ulo
Panginginig
Pananakit ng Katawan (Body Pain)
Panghihina
Pagsusuka
Pagtatae
II. PAANO NAIPAPASA ANG ILI?
Droplets na galing sa ubo o bahing ng taong may sakit.
Pagkakahawak sa mga gamit na kontaminado at maihawak ito sa bibig, ilong, o mata.
III. PAANO MAKAIWAS SA INFLUENZA-LIKE ILLNESSES?
Bakuna: Siguraduhin na kumpleto ang bakuna ng buong pamilya.
Pag-iwas: Iwasan ang mga masisikip at matataong lugar.
Etiquette: Takpan ang bibig at ilong kapag uubo o babahing.
Masking: Panatilihin ang pagsusuot ng mask sa loob at labas ng bahay.
Bentilasyon: Siguraduhin ang magandang air flow at bentilasyon.
Hugas Kamay: Ugaliin ang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol-based hand sanitizer.
IV. ANO ANG DAPAT GAWIN KUNG IKAW AY MAY SINTOMAS?
1. Manatili sa bahay at umiwas sa pakikisalamuha sa ibang tao.
2. Umiwas sa mga taong nabibilang sa "high risk" tulad ng:
a. Mga may edad 65 years old o higit pa.
b. Mga taong may ibang sakit (diabetes, asthma, o sakit sa puso).
c. Buntis.
d. Mga batang apat na taon pababa.
3. Uminom ng gamot sa lagnat tulad ng paracetamol.
4. Siguraduhing may sapat na pahinga.
5. Uminom ng tubig at kumain ng masustansyang pagkain.