13/08/2026
Tampok sa mga Larawan: Masiglang nakiisa ang Legazpi Hope Christian School sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong Agosto 7, 2026! 🇵🇭
Maaaring hindi na kasinggarbo ng mga nakaraang taon ang ating pagdiriwang, ngunit nananatiling mahalaga ang layunin nito - ang pagpapahalaga sa wikang Filipino at sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Nakiisa ang mga mag-aaral sa iba’t ibang gawain tulad ng mga larong pangwika, pagsulat, pagguhit, at tagisan ng talino, na nagbigay-daan upang maipamalas ang kanilang kaalaman at pagkamalikhain.
Bilang bahagi ng tema na “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” binigyang-diin din ang makabuluhang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagkatuto. Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, hindi maiiwasang maging bahagi ng ating pagkatuto ang Artificial Intelligence (AI). Sa halip na tingnan ito bilang kapalit ng sariling kakayahan, maaari natin itong gamitin bilang kasangkapan sa pananaliksik at tulay tungo sa mas malawak na yaman ng impormasyon lalo na kung gagamitin ito nang wasto, responsable, at may sapat na pag-unawa.
Gayunpaman, ang paggamit ng AI ay hindi nangangahulugang isusuko natin ang ating sariling tinig, orihinalidad, at pagkamalikhain. Ang teknolohiya ay dapat maging katuwang, hindi kapalit ng sariling pag-iisip. Sa bawat impormasyong ating nakukuha, mahalagang matuto tayong magsuri, magpatunay, magpasiya, at bumuo ng sariling ideya.
Kung ang mga makabagong inobasyon ay makatutulong sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagpapayaman ng mga wika sa Pilipinas, maaari natin itong yakapin bilang kapaki-pakinabang na kasangkapan. Ngunit kasabay ng pag-unlad ay ang pananagutan na gamitin ito nang tama at may pag-iingat.
Maging mapanuri. Maging malikhain. Maging orihinal. Maligayang Buwan ng Wika!