12/06/2026
๐๐ฎ๐ฅ๐๐ฒ ๐ง๐ ๐๐๐ฆ๐จ๐ค๐ซ๐๐ฌ๐ฒ๐: ๐๐๐ค๐ข๐ญ ๐๐ข๐ง๐๐ข ๐๐๐ฌ๐๐ฅ๐๐ง๐๐ง ๐๐ง๐ ๐๐๐ -๐๐ฐ๐๐ฒ ๐ฌ๐ ๐๐จ๐ฅ๐ข๐ญ๐ข๐ค๐
P**a, dilaw, rosas, berde, asul. Kung titingnan mo ang kasalukuyang kalagayan ng politikang Pilipino, para tayong nakatingin sa isang nag-aaway na crayon box. Mula sa mga komentaryo sa hapagkainan hanggang sa walang katapusang sagutan sa TikTok at Facebook, tila ba nahati na ang bansa sa mga kulay at paksyon. Nakakapagod, 'di ba? Umabot na tayo sa punto na tila ba bawal nang makipagkapwa-tao sa hindi mo kakulay o kaalyansa. Sa unang tingin, napakasarap sanang isipin kung nagkakaisa na lang tayong lahatโisang bansa, isang tinig, isang direksyon nang walang ingay.
Pero sandali. Paano kung sabihin ko sa inyo na ang pagtatalo natin sa politika ay hindi palatandaan na sira ang Pilipinas, kundi patunay na buhay ang ating demokrasya?
Sa gitna ng tinatawag nating "political divide" , marapat nating himayin nang obhitibo kung bakit ang hidwaan ng mga pananaw ay maaari palang maging isang magandang bagay para sa ating bayan. Upang maunawaan ito nang malalim, gamitin natin ang tatlong matalas na lente mula sa agham pampolitika at sosyolohiya: ang "Agonistics" ni Chantal Mouffe, ang teorya ng "Counter-Hegemony" ni Antonio Gramsci, at ang "Public Sphere" ni Jรผrgen Habermas. Ang pilit na pagkakaisa ba ang tunay na sagot, o baka kailangan talaga natin ng "gulo" at banggaan ng opinyon upang umunlad?
Simulan natin sa pag-intindi sa kalikasan ng politika gamit ang teorya ng "Agonistics" ni Chantal Mouffe. Ayon kay Mouffe, ang tunay na politika ay natural na magulo at puno ng hidwaan. Mapanganib kapag pinipilit ng Estado ang "absolute unity" โgaya ng mga nakaraang islogan ng "Unity" na ginamit upang tabunan ang mga kritikal na isyu. Sa kasaysayan, ang pilit na pagkakaisa ay madalas na nauuwi sa diktadura kung saan pinapatahimik ang sino mang pumapalag. Tingnan natin ang kasalukuyang banggaan ng UniTeam: ang pagkakabaklas ng kanilang alyansa ay nagpapakita na ang hungkag na "pagkakaisa" ay pansamantala lamang, ngunit ang hidwaan ng kanilang mga pananaw ay nagbibigay ng espasyo para sa publiko na makita ang magkakaibang interes. Para kay Mouffe, mas malusog ang may "divide", bastaโt nakikita natin ang kabilang panig bilang isang lehitimong katunggali (adversary) na may sariling paniniwala, at hindi bilang isang kaaway (enemy) na dapat patayin o burahin sa lipunan. Ang pagtatalo natin, gaano man ito karespeto kung minsan, ay patunay na malaya pa tayong magsalita nang hindi basta-basta ikinukulong ng pamahalaan.
Dito naman papasok ang proseso ng pagbaklas sa bulok na sistema gamit ang pilosopiya ni Antonio Gramsci ukol sa "Counter-Hegemony" . Ayon kay Gramsci, ang mga naghaharing-uri (elite) ay nagpapanatili ng kapangyarihan sa paglikha ng "hegemony"โisang naratibo na ginagawa nilang mukhang "normal" upang ang mga tao ay hindi na magreklamo. Sa digital na panahon ngayon, nakikita natin ito sa talamak na "social media trolling" at propagandang ikinakalat ng mga makapangyarihan upang kontrolin ang isip ng masa. Paano ito binabasag? Sa pamamagitan ng "counter-hegemony", o ang pag-usbong ng mga kritikal na boses ng mga netizen at kabataan na naglalabas ng katotohanan, Fact-Check, at mga meme na pumupuna sa gobyerno. Kung walang "political divide", kung lunok-bulag lang tayo sa bawat sabihin ng mga bayarang algorithm, mananatili tayong bilanggo ng kasinungalingan. Ang pagkontra at paglalantad ng katotohanan sa internet ay hindi paninira; ito ay pagbuo ng bagong kamalayan laban sa monopolyo ng maling impormasyon.
Pangatlo ay ang praktikal na epekto nito sa ating espasyo bilang mamamayan gamit ang konsepto ng "Public Sphere" ni Jรผrgen Habermas. Para kay Habermas, ang lipunan ay demokratiko lamang kung may malayang espasyo kung saan ang mga ordinaryong mamamayan ay may laya na mag-usap at magpasa ng hatol sa gobyerno. Ang ingay at sigalot sa diskurso ay patunay ng isang buhay na "public sphere" . Mas maigi na ang lipunang nagtatalo-talo at nagbabantayan dahil sa magkakaibang paniniwala, kaysa sa lipunang tulog, tahimik, at hinahayaan na lang ang pagnanakaw dahil takot magsalita.
Sa agham ng politika, ang kawalan ng gulo ay hindi laging ibig sabihin ng kapayapaan. Kadalasan, ito ay palatandaan ng sistematikong pagpapatahimik, takot, at opresyon. Ang kalayaan nating maging magkakaiba ang mismong nagbibigay-buhay sa ating bansa.
Ang espasyong tinatamasa natin ngayon upang magtalo at mag-ingay ay hindi ibinigay sa atin nang libre sa isang pilak na plato. Ito ay dumanas ng madugong kasaysayan. Ang boses ng mamamayanโhigit sa lahat ng mga kabataan noong dekada '70 at '80โang naglapat ng daan sa makasaysayang rebolusyon upang patalsikin ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Malaya ang kabataang mamamahayag ngayon na maghayag ng saloobin dahil may mga naunang nag-ingay noong pilit na pinatatahimik ang bayan.
Ngunit ang tanong: Hanggang sa ingay na lang ba tayo?
Dito dumarating ang hamon sa ating henerasyon. Ang susunod na eleksyon ay muling magiging isang malaking arena ng labanan ng mga kulay, naratibo, at algorithm. Kung hahayaan nating manatili ang "Crayon Box Politics" sa loob lamang ng ating mga screenโsa mga komentaryo sa Facebook, o sa mga maiinit na diskurso sa TikTokโtinatraydor natin ang diwa ng demokrasya. Ang tunay na "counter-hegemony" at ang lakas ng ating "public sphere" ay hindi nasusukat sa dami ng "likes," "shares," o "retweets." Ito ay nasusukat sa ating pagpila, pagpaparehistro, at pagboto. Ang kapangyarihang pumuna ay walang saysay kung tuwing araw ng halalan ay nananatili tayong nakaupo sa ating mga kwarto at hinahayaan ang mga trapo (traditional politicians) na maghari muli.
Kaya naman, sa mga kapwa ko kabataang botante, gisingin natin ang lakas na nagpatalsik sa diktadura. Huwag tayong matakot sa ingay at sa hidwaan ng opinyon, dahil ang maingay na bansa ay bansang gising at lumalaban. Gamitin natin ang ating matalas na panulat, mapanuring pag-iisip, at higit sa lahat, ang ating balota. Sa susunod na eleksyon, huwag lang tayong basta pumili ng kulayโpumili tayo ng prinsipyo. Ipakita natin na ang kabataan ang siyang magtatakda ng takbo ng kasaysayan. Huwag nating hayaang maging tahimik ang ating bansa dahil sa takot o kawalan ng pakialam.
Tumindig tayo, magparehistro, at bumoto; dahil ang tunay na pagkakaisa ay hindi ang pagsunod nang pikit-mata, kundi ang sama-samang lakas ng mamamayang matapang na tumututol, nagtatanong, at nagpapasya para sa kinabukasan ng bayan.
โ
Isinulat at larawang-guhit ni Joshua John Batayo