29/03/2026
| Galarian Moltres dinomina ang Zylant Gardiens, 2-0
Namayani ang Galarian Moltres matapos ungusan ang Zylant Gardiens, 2-0 (25–15, 25–20), at umarangkada sa Women’s Volleyball Tournament na ginanap sa himnasyo ng Pisay-Bikol, nitong Marso 5, 2026.
Maagang opensa ang ipinamalas ng Zylant Gardiens sa unang sagupaan sa tulong nina Megan Faustino at Guayesha Calanog— na nakapuntos ng dalawang atake mula kay Faustino at isang service ace mula kay Calanog, 13-12.
Sa kabila nito, mabilis na pumalainlang ang Moltres mula sa limang sunod-sunod na pwersadong service aces ni KC Sandejo upang magdulot ng malaking hamon sa depensa ng Gardiens. Sumuporta naman si Zoe Domasian matapos pumalo ng tatlong kalkuladong service aces at dalawang atake, habang rumesbak naman si Yumi Baclagan ng tatlong solidong atake upang maipanalo ang unang set, 25–15.
Gayunpaman, agad na nag-higanti ang Gardiens sa ikalawang sagupaan matapos manguna si Nathalie Atole sa pamamagitan ng tatlong service aces, habang nag-ambag si Shelsy Francisco ng dalawang atake at isang ace, 25-20, na nagpabagal sa katunggali.
Ngunit muling umangat ang lipad ng Moltres sa huling bahagi ng pangalawang set nang pamunuan ni Eofie De Leon ang korte matapos magpamalas ng rumaragasang opensa gamit ang limang atake at isang service ace. Agad namang umalalay sina CJ Astillero at Quiel Preña ng tig-tatlong attacks, upang tuluyang kandaduhan ang tagumpay, 25-20, at igawad patungo sa finals.