23/09/2026
𝐔𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐫𝐞𝐠𝐮𝐥𝐚𝐫 𝐧𝐚 𝐁𝐚𝐧𝐠𝐬𝐚𝐦𝐨𝐫𝐨 𝐏𝐚𝐫𝐥𝐢𝐚𝐦𝐞𝐧𝐭, 𝐮𝐮𝐩𝐨 𝐬𝐚 𝐎𝐤𝐭𝐮𝐛𝐫𝐞 𝟑𝟎
COTABATO CITY (Ika-23 ng Setyembre, 2025) — Uupo sa Oktubre 30, 2026 ang 80 halal na miyembro ng unang regular na Bangsamoro Parliament matapos ang makasaysayang halalan noong Setyembre 14.
Inaasahang kabilang sa unang gawain ng Parliament ang pagpili ng Chief Minister, Speaker, Deputy Speaker at iba pang parliamentary officers, bukod sa pagbuo ng mga patakaran para sa regular na parliamentary government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa Bangsamoro Government Facebook post, sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL) o Republic Act No. 11054, ihahalal ng Parliament ang Chief Minister sa unang araw ng sesyon.
Kailangan ng isang kandidato ang boto ng mayorya ng lahat ng 80 miyembro, o hindi bababa sa 41 boto, upang mahalal. Kapag walang nakakuha ng kinakailangang boto sa unang botohan, isasagawa ang runoff sa pagitan ng dalawang nangungunang kandidato.
Hindi itinatakda ng BOL na dapat magmula sa pinakamalaking partido ang Chief Minister.
Samantala, ihahalal din ng Parliament ang Speaker, Deputy Speaker at iba pang opisyal nito sa pamamagitan ng mayoryang boto, alinsunod sa magiging rules ng Parliament.
Ang Wali naman ang ceremonial head ng Bangsamoro Government at kabilang sa kanyang tungkulin ang pagbubukas ng sesyon ng Parliament at pangangasiwa sa panunumpa ng Chief Minister at mga miyembro ng Parliament.
Matapos mahalal, mamumuno ang Chief Minister sa executive branch at mamumuno sa Gabinete. Magmumungkahi rin siya ng dalawang Deputy Chief Ministers na kailangan pang ihalal ng Parliament.
Pangunahing tungkulin ng Parliament ang pagpasa ng mga batas o Bangsamoro Autonomy Acts (BAAs) sa mga usaping saklaw ng kapangyarihan ng Bangsamoro Government.
Kabilang dito ang edukasyon, kalusugan, agrikultura, serbisyong panlipunan, lokal na pamahalaan, kultura, turismo, public works at likas na yaman, alinsunod sa Konstitusyon at BOL.
May kapangyarihan din ang Parliament na suriin at aprubahan ang taunang badyet ng rehiyon at magsagawa ng oversight sa mga programa at operasyon ng executive branch sa pamamagitan ng mga inquiry in aid of legislation.
Maaari ring bumoto ang Parliament ng no confidence laban sa Government of the Day. Kapag nakakuha ito ng suporta mula sa hindi bababa sa two-thirds ng lahat ng miyembro, kailangang payuhan ng Chief Minister ang Wali na buwagin ang Parliament at magpatawag ng panibagong halalan.
Binubuo ang unang regular na Parliament ng 40 party seats, 32 district seats at walong sectoral seats.
Kabilang sa mga sektor na kinakatawan sa Parliament ang kababaihan, kabataan, traditional leaders, Ulama, non-Moro Indigenous Peoples at settler communities.
Mahigit dalawang milyong rehistradong botante ang lumahok sa unang regular na Bangsamoro Parliamentary Elections noong Setyembre 14, na nagtala ng 84 porsiyentong voter turnout.
Idineklara ng Regional Board of Canvassers ang opisyal na resulta ilang sandali matapos ang hatinggabi noong Setyembre 16.
Ang pag-upo ng unang regular na Parliament sa Oktubre 30 ang magmamarka sa paglipat ng Bangsamoro mula sa interim government tungo sa isang regular na halal na parliamentary system. (BMN/ BangsamoroToday.com)
📷 BTA-LTAIS