18/08/2026
OPISYAL NA PAHAYAG NG JUNIOR HIGH SCHOOL STUDENT GOVERNMENT
Nauunawaan ng Junior High School Student Government ang panawagan para sa mas matibay na disiplina at pagpapahalaga sa mabuting asal ng kabataan. Gayunpaman, naninindigan kami na hindi makatarungang gawing pangkalahatang pananagutan ng mga g**o ang kawalan ng paggalang o ang mga karahasang nagaganap sa lipunan.
Ang mga g**o ay may mahalagang papel sa paghubog ng asal at karakter ng mga mag-aaral. Ang g**o ay nagtuturo ng magandang asal, hindi kawalan nito. Kaya ang pag-uugnay sa mga g**o sa pagtuturo ng pagiging “walang modo” ay isang hindi makatarungang paglalahat.
Hindi namin itinatanggi na may mga pagkakataong kinakailangan ang mas mabuting paggabay at disiplina sa kabataan. Ngunit ang pananagutan ay dapat nakabatay sa tunay na kilos, malinaw na ebidensya, at wastong konteksto, hindi sa paglalahat sa isang buong propesyon. Ang paghubog ng asal ng isang bata ay responsibilidad na sama-samang ginagampanan ng pamilya, paaralan, at buong pamayanan.
Bilang Junior High School Student Government, kami ay naninindigan para sa dignidad, respeto, at makatarungang pagtrato sa ating mga g**o. Ang mga g**o ay katuwang sa paghubog ng kabataan, hindi dapat gawing madaling sisihin sa mga suliraning hindi naman nila nilikha.
Nananalangin kami para sa ating mga kabataan, na sila ay lumaking may paggalang, disiplina, karunungan, at malasakit sa kapwa; para sa ating mga g**o, na patuloy silang pagkalooban ng lakas, karunungan, at tiyaga; at para sa ating mga pinuno at pamahalaan, na pagkalooban sila ng karunungan at integridad sa paglilingkod sa bayan. Panalangin sa puso, kabutihan sa kapwa.
Higit sa lahat, ipinapanalangin namin ang ating bansa—na manaig ang pagkakaisa, katarungan, respeto, at malasakit sa bawat Pilipino. Gaya ng paalala sa Proverbs 22:6, “Train up a child in the way he should go; even when he is old he will not depart from it.” Sa ganitong pananagutan, ang g**o ay katuwang sa pagtuturo at paghubog ng mabuting asal at hindi tagapagturo ng kawalan nito.